Magbabalik-operasyon ang mga tricycle sa Pasig City simula sa Lunes, Mayo 18.
Ayon kay Mayor Vico Sotto, inaprubahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panukalang panuntunan ng Pasig-LGU para makabiyahe na ang mga tricycle.
“Ang pagpayag sa mga tricycle ay makakatulong na solusyunan ang kakulangan ng mobilidad sa paraan na may social distancing pa rin,” ayon pa sa alkalde.
Sa inilabas na infographic ng Pasig-Public Information Office, isang pasahero lamang ang papayagan sa kada tricycle. Hindi naman kasama rito ang mga pasahero na kailangang umalalay sa pasyente.
Magkakaroon din ng barrier sa pagitan ng driver at pasahero.
Kailangang mag-disinfect sa mga tricycle dalawang beses sa isang araw.
Maliban dito, isang pasahero lang din ang papayagan sa mga private tricycle. Mayroon dapat ditong nakalagay na “Not for hire” signage.
Maaaring makapasada ang mga tricycle driver simula alas-5:00 ng madaling-araw hanggang alas-12:00 ng hatinggabi.