Dinagsa ng mga mamimili ang ilang mall na nagsimula na sa kanilang partial operation ngayong araw sa gitna ng umiiral ng modified enhanced community quarantine sa National Capital Region (NCR).
Maliban sa mga grocery at botika, nakabukas na rin ang mga tindahan ng damit, sapatos, hardware at petshops sa loob ng mall.
Kanina ay ininspeksyon ni Joint Task Force Covid Shield Chief Lieutenant General Guillermo Eleazar ang ilang nagbukas na malalaking mall para matiyak na nakasusunod ang mga ito sa health protocols ng gobyerno.
Ayon kay Eleazar, kailangan pa ring panatilihin ang social distancing at iba pang safety measures kontra COVID-19 sa operasyon ng mall.
Sa guidelines ng Inter-Agency Task Force para sa operasyon ng malls at shopping centers, limitado ang papapasukin sa loob ng mall at babawasan din ang entrance na bubuksan sa mga customer.
Kailangan ding may regular na mga guwardiya at iba pang personnel ng mall na mag-iikot para masigurong nakasusunod sa social distancing.
May isang step na pagitan at hindi magkakalapit ang pagsakay sa escalator ng mall.
Hanggang 26 degree Celsius lang ang air conditioning sa mall at walang libre WiFi.
Inabisuhan na rin ang mall owners sa pagsuspindi ng kanilang sale events, marketing events at iba pang promotions na makahihikayat ng maraming tao.