Papayagan na sa modified enhanced community quarantine ang home religous services basta't susundin lamang ang proper health protocols tulad ng pagsuot ng mask, social distancing at temperature check.
Ito ay batay sa inilabas na Resolution No. 37 ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
"Puwede na rin pong magbigay ng home religious services. Pansinin ninyo po, ‘home religious services,’ ang mga pastor, mga pari, mga imam, mga rabbi at iba pang religious ministers provided mayroon pong proper health protocols gaya ng pagsuot ng mask at saka social distancing, temperature check at iba pa po," wika ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Papayagan na rin aniya magbukas sa employment activities ang recruitment at placement agencies para sa overseas employment sa ilalim ng MECQ pero dapat ay 50% operational capacity.
Kasama rin sa MECQ na payagan ang firearms and ammunition trading establishment basta't may istriktong regulasyon sa Firearms and Explosives Office.
Habang nakasara pa rin sa ilalim ng MECQ ang tourist destinations, entertainment industries kabilang ang panonood ng sine, theaters at karaoke bars, child amusement industries, libraries, archives, museums at cultural services, gyms, fitness studios at sport facilities, personal care services tulad ng massage parlors, saunas, facial care at waxing.
Samantala sa general community quarantine, maaari na ang swimming sa ilalim ng sports activities bilang isang non-contact sport.