Inihain ni Lone San Jose Del Monte City, Bulacan Rep. Florida Robes ang Resolution No. 862 na humihiling kay Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin ang pagpapatupad ng pagtataas sa PhilHealth contribution ng mga kasapi kabilang ang mga doktor at iba pang health workers, sa gitna ng economic challenges dulot ng COVID-19 pandemic.
Photo: fb @Congw. Ate Rida Robes (right)
Matatandaang sa ilalim ng Republic Act 11223 o Universal Health Care Act, nag-isyu ang PhilHealth ng Circular No. 2019-0009 na itataas ang rate ng Direct Contributors sa 3 percent ng kanilang monthly basic salary simula 2020 at nababagay sa mga pagdaragdag ng 0.5 percent bawat taon hanggang sa maabot nito ang 5 percent limitasyon sa 2025 na inilahad ng batas.
Naka-fix ito sa kita na P10,000 sa loob ng limang taon habang ang salary ceiling ay tataas ng P10,000 bawat taon hanggang makaabot sa P100,000 sa 2025.
Sa resulta ng pagtaas ng premium contribution, ang mga health care professionals, kabilang ang mga nagtatrabaho sa probinsya ay kailangan umanong magbayad ng mula P60,000 hanggang P100,000 para makakuha ng kanilang PhilHealth accreditation.