top of page
Search
Justine Daguno

Bukod sa virus, kalaban din ang toxic na samahan... Dapat gawin ng mag-asawa para manatiling matatag

Malaking hamon ang sitwasyon na dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bawat isa partikular sa mga mag-asawa. Ayon sa eksperto, ang kasalukuyang sitwasyon kung saan madalas o mas mahabang panahon ang pananatili sa bahay ay maaaring maging komplikado sa mga married couple dahil sa iba’t ibang dahilan. Pero ang mga “conflicts” na ito ay maaaring maiwasan sa tulong ng mga sumusunod:

1. Pag-usapan ang problema. Inirerekomenda ng mga eksperto sa bawat mag-asawa o pamilya na magkaroon ng “sharing session” habang naka-quarantine. Marahil, hindi lahat ay open sa ideya ng pag-uusap tungkol sa problema, pero mas madali umano natin itong mao-overcome kung ibabahagi ito sa kapareha o pamilya. Sa panahon ng krisis, wala tayong ibang masasandalan kundi ang isa’t isa kaya bago pa lumaki ang problema o bumigat ang nadarama, ‘wag mahiyang sabihin ito sa kanila nang sa gayun ay mabigyan ka ng suporta.

2. Kilalanin pa ang bawat isa. Ang quarantine period ay magandang pagkakataon para “i-highlight ang strengths” ng bawat miyembro ng pamilya. Magandang simulan ito kung hindi pa lubusang nakikilala ang kalakasan ng bawat isa—partikular ang asawa. Maaari itong simulan sa pagtatanong ng mga bagay-bagay na interesado sila.

3. Maging patas sa paghahati ng household chores. Dahil lahat ay nananatili lamang sa bahay, kailangang ang bawat isa ay may kani-kanyang parte sa household chores at dapat itong patas nang sa gayun ay maiwasan ang silipan ng gawain na maaaring simulan ng tensiyon. Upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan, matututong magbigayan at huwag kalimutang ikonsidera ang bawat isa.

4. Importante ang self-care. Mahalaga ang self-care hindi lamang physically, kundi maging mentally. Bigyan ng panahon ang sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na totoong gusto mo o alam mo na makapagpapasaya sa ‘yo. ‘Ika nga, “Kapag okay ka sa sarili mo, magiging okay din ang pakikitungo mo sa iba.”

5. Habaan palagi ang pasensiya. Kailangan nating maintindihan na maraming dapat isaalang-alang ngayon kaya importante sa mag-asawa na palaging habaan ang pasensiya upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan na maaaring magdulot ng malakihang away. Kumbaga, hangga’t kaya nating mag-adjust, eh, gawin na lang muna.

Maituturing na isa sa mga pinakamahirap na phase para sa bawat relasyon ang nangyayari ngayon.

Pero kapag nalampasan natin ito nang walang bitak ang pagsasama, mapatutunayan nating matibay talaga ang pundasyon natin sa isa’t isa.

Keep safe at stay strong, mga ka-BULGAR, magiging maayos din ang lahat!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page