Erlinda Rapadas / Teka Nga
Base sa napag-usapan sa katatapos na Laging Handa briefing with PCOO (Presidential Communications Operations Office) Sec. Martin Andanar, inihayag ni FDCP (Film Development Council of the Phils.) Chairperson Liza Diño ang maraming pagbabago na dapat sundin kapag bumalik na sa pagteteyping ang mga TV shows at shooting ng pelikula.
Unang-una na dapat sundin ay ang social distancing kaya bawas na ang mga tao kapag nasa teyping o shooting. Bawal na rin ang involvement ng maraming tao sa set. Kailangan ding i-disinfect ang shooting o taping locations, pati na ang isusuot ng mga artista.
Lahat ng gagamitin sa taping o shooting ay kailangan ding linisin at may handwashing area sa set. Pati ang pagkain ng mga involved sa taping o shooting ay dapat na malinis at ligtas.
Malaking gastos ang tiyak na madaragdag sa budget ng production sa TV o pelikula, pero kailangang sundin kung nais na magbalik at magpatuloy ang mga TV shows at paggawa ng pelikula.
Kaya panawagan ni FDCP Chairperson Liza Diño sa mga networks at movie productions na sundin ang mga guidelines na inilabas.
Well, papa'no kaya kung may big scenes ang mga serye o pelikula? Lalo na kung action ang serye na nangangailangan ng maraming tauhan? Mahirap dayain ang mga ganitong eksena kung lilimitahan ang mga talents.
♥♥♥
Samantala, ang Primetime King ng GMA Network na si Dingdong Dantes ang tampok sa joint project ng Department of Health (DOH) at Film Development Council of the Philippines (FDCP) para sa isang public service announcement kung papaano makakaiwas sa COVID-19.
Nagtulong sina Dingdong, FDCP Chair Liza at Pepe Diokno para sa COVID-19 infomercial for TV.
Si Marian Rivera (misis ni DD) ang nag-click ng camera habang isinu-shoot ang clip ng commercial.
Ayon sa Kapuso actor, magaling sa camera si Marian kaya swak ang tandem nila.