Bumilis pa habang kumikilos palabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Ambo na nanalasa sa ilang lugar sa Luzon at Visayas.
Sa severe weather bulletin na ipinalabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong alas-5:00 ng hapon, huling namataan ang bagyo sa layong 110 kilometro ng Hilaga-Hilagang Kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte na kumikilos sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 65 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 80 kilometro kada oras.
Tinataya ng PAGASA na kung hindi magbabago ang bilis ng bagyo ay lalabas na ito sa PAR sa Lunes ng hapon.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Ilocos Norte, Batanes, Babuyan Islands, northwestern portion ng Cagayan (Santa Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros), at sa northern portion ng Apayao (Calanasan, Luna).
Asahan na umano ang mahina hanggang sa katamtaman na minsan ay lalakas na pag-ulan ngayong gabi sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley at sa northern portion ng Aurora.
Magiging katamtaman hanggang sa malakas ang pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands hanggang bukas.