Nakatakdang ipagharap ng kasong inciting sedition sa hukuman sa Zambales sa susunod na linggo ang gurong nag-post sa kanyang social media account ng pagbabanta kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Photo: NBI
Pero ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, pupuwedeng maghain na ng piyansa si Ronnel Mas para sa pansamantala nitong kalayaan.
“Call na niya 'yan and his defense team kasi from the start bailable yan," ayon kay Malcontento.
Nauna nang iprinisinta ng National Bureau of Investigation sa Department of Justice si Mas para sa inquest proceeding ng kasong inciting to sedition na may kaugnayan sa Republic Act 10175 o Cyber Crime Prevention Act of 2012.
Si Mas ay dinakip noong Mayo 11 sa Barangay North Poblacion sa Sta. Cruz, Zambales dahil sa kanyang post sa Twitter na naglahad na handa siyang magbigay ng P50 milyong reward sa kung sinuman ang makapapatay kay Pangulong Duterte.
Samantala, inihayag ni Assistant State Prosecutor Jeanette Dacpano sa kanyang inquest resolution na may depekto ang pag-aresto ng NBI kay Mas lalo na't hindi umano maituturing na continuing crime ang alegasyong inciting to sedition.
Noong Mayo 5 pa umano nai-post ni Mas ang kanyang tweet ngunit lumipas pa ang anim na araw bago ito inaresto nang walang warrant of arrest.
"Inciting to sedition is not a continuous crime for which the offender may be arrested without a warrant duly issued by the proper authority. Being a cybercrime, the arresting officer must have conclusive evidence that the person who wrote the text in the Twitter account... is indeed Ronnel Mas and not someone impersonating him," ayon pa sa inquest reolution.
Gayunman, sinabi nito na ang pag-amin at pagso-sorry ng guro sa ginawang komento nito sa social media ang naging remedyo sa warrantless arrest sa kanya.
"Be that as it may, the defect of Mas’s warrantless arrest was ultimately cured when Mas extra-judicially admitted to the media that he personally posted the provocative text in his own Twitter account @RonPrince_,” ayon sa taga-usig ng gobyerno.