Tatalakayin natin ngayon ang tungkol sa acute gastroenteritis. Kapag sinabing “acute” ito ay tumutukoy sa pagkagrabe ng uri ng sakit. Ibig sabihin, ito ay kritikal o teribleng kaso ng sakit na kapag hindi maaagapan ay maaaring makapinsala nang husto sa kalusugan o maaaring itong ikamatay ng pasyente. Samantalang ang gastroenteritis naman ay ang pamamaga ng tiyan at mga bituka. Ito ay tumutukoy din sa stomach flu.
Sinuman o saanmang panig ng mundo ay puwedeng tamaan ng sakit na ito. Maaaring gumaling sa sakit na ito nang walang anumang komplikasyon, maliban na lamang kung ang pasyente ay dehydrated na.
Sa gastroenteritis, ang diarrhea ay sadyang matubig at naroon ang pagduduwal. Posible ring makaranas ng pananakit o pamimilipit ng tiyan, lagnat, pagsusuka, pananakit ng kalamnan at pananakit ng ulo.
Kapag nakaranas na ng mga sintomas na nabanggit ay kailangang maging maingat na huwag matuyuan ang katawan o makaranas ng dehydration.
Ang gastroenteritis flu ay maaaring maging sanhi ng iba’t ibang viruses—ang rotavirus at norovirus.
Ang rotavirus ang pinakanakahahawang virus na sanhi ng pagtatae. Pangkaraniwan ito sa mga sanggol at bata. Upang maiwasan ang rotavirus kailangan ang pagpapabakuna laban sa virus na ito. Maaaring makipag-ugnayan sa inyong mga doktor para rito.
Samantala, ang norovirus ay delikado rin sapagkat ito ay food-borne disease, ibig sabihin ay nakukuha ang sakit na ito sa mga pagkain at inumin.
Sintomas ng gastroenteritis:
Pagtatae
Pagsusuka
Pagkahilo
Dehydration
Pananakit ng ulo
Pananakit ng kalamnan
Pananakit ng tiyan
Sobrang pagkauhaw
Hindi madalas na pag-ihi
Matingkad na kulay ng ihi
Pagkatuyo ng balat
Pagkatuyo ng mga labi
Pagkahimatay
Mataas na lagnat
Pangangalumata
Kapag ganito na ang pakiramdam ay huwag nang mag-atubiling pumunta sa doktor, lalo na kung ang mga sintomas na ito ay nakikita sa mga bata.