top of page
Search
BULGAR

Russian Wrestling coach, iginupo ng COVID-19

Dalawang multi-titled coaches sa magkaibang larangan ng palakasan mula sa dalawang bansa ang pumanaw na kamakailan dahil sa pandemic.

Hindi na nakabangon si wrestling coach Magomed Aliomarov ng Russia matapos itong maitumba ng coronavirus sa edad na 67. Dalawang ginto, isang pilak at dalawang tansong medalya ang nakuha ng women's team ni Aliomarov noong 2019 World Wrestling Championships sa Nur-sultan, Kazakhstan. Isang 4-1-4 na medal tally naman ang naging rekord ng kanyang grupo noong 2020 European Wrestling Championships sa Rome.

Sa kabilang dako, ganito rin ang sinapit ni Jaques Reymond, isang dating ski coach ng Switzerland, nang pumanaw ito dahil rin sa COVID-19. Siya ay 69-taong-gulang. Limang gold medals naman ang naisukbit sa koponan ni Reymond noong 1987 World Alpine Skiing Championships sa Crans-Montana, Switzerland. Naging fitness coach din siya ni Erika Hess, ang dating two-time World Cup winner na kalaunan ay naging kabiyak niya. Naulila niya rin ang kanilang tatlong supling.

Bukod sa dalawa, kasama na sa listahan ng mga personalidad sa isports na nabiktima ng virus sina Teruyuki Okazaki, karate, Japan; modern pentathlete Robert Beck, USA; ang dating opisyal ng International Canoe Federation officer na si Marcel Venot (France), dating Japanese Olympic Committee offical (Matsushita Saburo, Japan), Antonio Melo, fencing, Venezuela; unang black boxing referee ng Olympics (Carmen Williamson, USA), Lukman Niode, swimming, Indonesia; at ang mga tracksters na sina Italian runners Donato Sabia at Francesco Perrone.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page