top of page
Search
V. Reyes​

NCRPO Chief Sinas, iba pa, sinampahan na ng reklamo dahil sa 'lockdown b-day party


Sinampahan na ng Philippine National Police (PNP) ng mga reklamong kriminal si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Major General Debold Sinas at ang ilang mga tauhan nito.

Ito ay kaugnay ng idinaos na pagtitipon para sa kaarawan ng heneral sa gitna ng enhanced community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

Nabatid mula kay Brigadier General Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP, inihain na ng PNP Internal Affairs Service at PNP Intelligence Group ang mga reklamo sa Taguig City Prosecutor's Office.

Ayon kay Banac, kabilang sa mga isinampa laban kay Sinas at sa kanyang mga opisyal ay ang paglabag sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Disease and Health Events of Public Health Concern Act at sa ordinansa ng Taguig City.

Una nang naibahagi ng NCRPO Public Information Office sa Facebook account nito at naging viral na rin sa social media ang mga larawan ng idinaos na Midnight Serenade at salu-salo para sa kaarawan ng heneral. Pinaniniwalaang nalabag ang social distancing, hindi pagsusuot ng face mask at pagbabawal sa mass gathering sa nasabing pagtitipon.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page