top of page
Search
BULGAR

NCAA 96 Season pormal nang hawak ng Letran

Pormal na inilipat ng Arellano University ang pagiging punong abala ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa darating na Season 96 sa Colegio de San Juan de Letran. Pinatibay ng lahat ng kasapi ng NCAA Policy Board na kinabibilangan ng mga Presidente ng 10 paaralan ang resolusyon na hinain ni Atty. Francisco Paulino Cayco ng Arellano.

“Colegio de San Juan de Letran graciously accepts the hosting duties for the 96th NCAA,” tugon ni Fr. Clarence Marquez OP, ang Rector at Presidente ng paaralan. “We express our heartfelt gratitude to Arellano University for their excellent leadership of the 95th NCAA and to our fellow member schools for their solid and steady support.”

Ang pagiging punong abala ng Letran ay sabay sa pagdiwang ng kanilang ika-400 na taon ng pagtatag. Malapit na ilatag ang mga plano para sa darating na taon sa ilalim ng new normal at makakaasa ang lahat ng atleta, opisyal at mag-aaral na pangunahin ang kanilang kalusugan at kaligtasan.

Karaniwan ay may ginaganap na programa kung saan ihahatid ng bagong punong abala ang watawat ng NCAA galing sa dating punong abala. Subalit hindi muna maaring mangyari ito sa gitna ng krisis sa kalusugan dulot ng COVID-19.

Sa ngayon, haharapin ng NCAA ang malaking posibilidad na mauurong ang pagbukas ng bagong taon sa Nobyembre o sa 2021. May panukala na bawasan ang mga disiplina na lalaruin at ilang mga paaralan ay maaring tuluyang hindi lumahok sa mga piling disiplina.

Ang nakaraang 95th NCAA ang unang pagkakataon na nagsilbing punong abala ang Arellano. Huling naging punong abala ang Letran noong Season 88 noong taong 2012-2013.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page