Tatlong tigasing sentro sa PBA ang pare-pareho ang nasa isipan tungkol sa hinaharap ng batang si Kai Sotto.
Naniniwala sina June Mar Fajardo, Asi Taulava at Poy Erram na balang araw si 7-foot-2 Sotto ang magiging malupit na armas ng men's national team.
Ayon kay veteran NLEX stalwart Taulava malaki ang ilalakas ng national team sa hinaharap lalo na't makakasama nito ang isa pang amateur standout na si Thirdy Ravena.
"Thirdy is there, too. He's coming in. Thirdy and Kai, I think they're going to be the one or two who's going to be carrying the (national) team," saad ni 47-year-old at former PBA MVP, Taulava.
Pati si six-time MVP Fajardo ay nai-impress sa laro ni Sotto at para sa kanya ay mas mag-uumento ang laro nito dahil nagte-training ito sa ibang bansa.
"Sobrang ganda ng training ni Kai (Sotto) ngayon, baka ako pa turuan nun, e." saad ni Fajardo na pambato ng San Miguel Beer.
Nagsalita sina Fajardo at Erram tungkol kay Sotto sa episode 2 ng 'PBA Kamustahan,' ang bagong online program ng liga habang hindi pa humuhupa ang pamiminsala ng COVID-19.
Nakaraan lamang ay inanunsiyo ni 18-year-old Sotto na hindi muna papasok sa kolehiyo dahil sasalang siya sa NBA G League.
Suportado nina Fajardo at Erram ang desisyon ni Sotto na maglaro sa G-League.
Sina Taulava, Fajardo at Erram ay mga naging miyembro ng men's national basketball team.