Pinapayagan na muli ng Quezon City government ang pagbebenta at pagbili ng mga inuming nakalalasing sa lungsod.
Sa ipinalabas na Executive Order No. 31 ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, binabawi na nito ang liquor ban ngunit may itinakdang paghihigpit.
Batay sa EO, papayagan lang ang pagbebenta ng alak simula ala-1:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon.
Maaari lamang ikonsumo ang mga alak sa loob ng pribadong lugar o mga bahay habang nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
May itinakda ring limitasyon sa dami ng bote ng alak na papayagang maibenta sa isang kustomer kada araw.
Halimbawa sa sari-sari store ay pupuwede ang anim na tig-isang litro ng beer sa bawat kustomer habang sa grocery ay papayagang magbenta ng limang case ng alak sa isang tao kada araw.
Kinakailangang magpakita muna ng valid na government ID ang bibili ng alak bago mabentahan.
Sa mga bibili na may planong mag-resell, dapat munang magprisinta ng valid na business permit at Licensing Department-issued business permit.