Iginiit ng Malacañang na dapat maglaan ang mga kumpanya ng shuttle service para sa kanilang mga empleyado para sa pagbabalik operasyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bagama't gusto ng gobyerno na muling buhayin ang ekonomiya ng bansa, hindi naman maaaring makasangkapan ang buhay ng mga Pilipino.
"Klaro po iyan, dahil lahat po iyong industriya na bubuksan, dapat sila magbigay ng shuttle, puwede iyong pag-aari na nila o pupuwede silang; kapag umupa kukuha po ng special permit sa LTFRB," ani Roque.
Kung hindi umano talaga kaya ng mga kumpanya na magbigay ng sasakyan para sa kanilang mga kawani ay huwag na munang magbukas.
Ang mas importante aniya sa kasalukuyan ay maiwasan ng bansa ang pagkakaroon ng ikalawang bugso ng mga tatamaan ng COVID-19.
Matatandaang sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ilan pang mga industriya ang pinayagan nang makabalik operasyon habang bawal pa rin ang public transportation.