Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya
Lubos akong nagpapasalamat dahil sa kabila ng pinagdadaanang Enhanced Community Quarantine (ECQ) ng malaking bahagi ng ating bansa, ang Public Attorney’s Office (PAO) ay patuloy na nagiging intrumento ng taus-pusong paglilingkod-bayan. Ang Report ng PAO, kaugnay sa pagtugon nito sa mga probisyon ng Republic Act No. 11469, o ang “Bayanihan to Heal As One Act” na aming inihanda ay repleksyon ng diwa ng serbisyo-publiko na aming niyayakap at konkretong isinasagawa. Ang ilan sa mahahalagang bahagi ng nasabing ulat (na sakop ang mga petsa mula sa pagpapatupad ng expanded ECQ noong Marso 16, 2020 hanggang Abril 23, 2020) ay ang sumusunod na mga statistical data kaugnay sa pagbibigay ng PAO ng libreng legal assistance:
Habang may inquest proceeding sa 9,214 katao;
Pagbibigay ng legal representation sa korte sa 1,244 katao;
Pagkilos para sa pagpapalaya ng 1,359 persons deprived of liberty (PDLs), kasama ang mga na-release alinsunod sa motion na inihain ayon sa Supreme Court OCA Circular 90-2020 (20 April 2020);
Pagsasagawa ng non-judicial services (kabilang ang legal advice sa pamamagitan ng iba’t ibang communication channels, pangangasiwa ng panunumpa at legal opinions na panglathala) sa panahon ng expanded ECQ na umaabot sa 30,583;
Paghahanda ng 111 na pleadings na ipa-file pagkatapos ng ECQ, batay sa Supreme Court Administrative Circular No. 31-2020 (16 March 2020); at
Pagpapalaya sa tatlong pasyente mula sa pagkadetine sa ospital dahil sa kawalan nito ng kakayanang magbayad ng hospital bills.
Sa panahon ng pagbubukas na muli ng mga pinto ng mga tanggapan ng pamahalaan, pagkaraan ng quarantine, handa ang PAO na paglingkurang muli ang mas malaking bilang ng ating mga kababayan na nangangailangan ng aming tulong. Halimbawa nina G. Mingfhy at Gng. Aileen Teves, aming mga kliyente sa kasong may kaugnayan sa Dengvaxia at iba pang mga biktima.
Sina G. at Gng. Teves ang kinalakihang mga magulang ni Jose Ravino Balacano. Si Jose, dating mag-aaral sa isang eskuwelahan sa Caloocan City ay 11-anyos nang pumanaw noong Enero 31, 2018. Siya ang panglabing-lima (15) sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago siya namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng mga pamilya ang libreng serbisyo para sa mga namatay na biktima.
Anang mag-asawang Teves ukol sa pagkaturok ng nasabing bakuna kay Jose:
“Noong April 8, 2016 ay unang naturukan ng bakuna kontra dengue ang aming anak na si Jose. Sumunod siyang naturukan ng nasabing bakuna noong January 5, 2017 at panghuli noong July 25, 2017. Bago mabakunahan ang aming anak ay pinadalhan kami ng eskuwelahan ng consent form para mabakunahan siya kontra dengue.”
Ang nasabing consent form ay pinirmahan ni Gng. Teves dahil aniya sa pag-aakalang ito ay magiging maganda para kay Jose.
Noong Enero 28, 2018, nagreklamo si Jose ng pananakit ng ulo at namumula rin ang kanyang mga mata. Pagsapit ng gabi, nagkalagnat si Jose at sumakit ang kanyang tiyan. Mula Enero 30 hanggang 31, 2018, nakaranas ng papatinding mga karamdaman si Jose na humantong sa kanyang pagpanaw. Narito ang ilan sa kaniyang mga pinagdaanan:
Enero 30, 2018 - Nahihilo at nahihirapan siyang huminga, kaya dinala siya ng kanyang mga magulang sa ospital at naging malubha ang kanyang kalagayan noon. Napansin ni Gng. Teves na namumula ang mga mata ni Jose na parang may mga dugo at para itong sinasapian kaya tinawag niya ang doktor.
Enero 31, 2018 - Sinaksakan si Jose ng pampatulog pero hindi siya nakatulog. Sumunod siyang tinurukan ng pampakalma pero hindi rin siya kumalma. Siya ay itinali at kinuhanan ng pahintulot sina G. at Gng. Teves upang isailalim siya sa drug test na negative naman ang naging resulta. Napansin ng kanyang mga magulang na hindi pangkaraniwan ang lakas niya ng mga oras na ‘yun. Nagdideliryo siya at kung anu-ano ang kanyang sinasabi.
Dinala si Jose sa isolation room, pagkatapos pumirma ng waiver ng mag-asawang Teves. Tinurukan siya ng bagong suwero at nilagyan ng oxygen ang kanyang ilong. Dahil sa pinagsuspetsahang may rabies si Jose dahil sa pag-iba ng kanyang behavior ay tinurukan pa rin siya ng anti-rabies sa kabila ng pagpupumilit ni Jose na hindi siya nakagat ng kahit anong hayop at walang mahanap na sugat sa kanyang katawan. Habang nasa isolation room, hindi na natigil ang pagsusuka niya ng likido na kulay dilaw na may pagka-pula. Ang huling pagsuka niya nang may dugo ay noong malagutan na siya ng hininga. Habang siya ay nasa isolation room, nag-umpisa na siyang maghabol ng hininga kaya siya ay in-intubate. Habang siya ay binobomba, may lumalabas na kulay berde mula sa bibig at sinundan ng paglabas ng maraming dugo sa bibig at ilong na iba ang amoy.
Alas-10:00 ng umaga, nawalan na ng pulso si Jose. Sinubukan siyang i-revive hanggang sa siya ay tuluyan nang pumanaw, alas-11:20 ng umaga. Pagkamatay niya ay may lumabas na likido sa ilong at tainga niya na kulay dugo at may sumingaw sa kanyang katawan na mabahong amoy.
Hindi makapaniwala ang mag-asawang Teves na ang malakas, malusog at masiglang bata na tulad ni Jose ay biglaang magkakaroon ng pagbabago sa kalusugan na humantong sa kanyang pagpanaw. Hindi nila matiis na sa ganu’n na lamang matatapos ang buhay ng batang kanilang inaruga at minahal na parang sarili nilang anak, kaya ipinasailalim nila ang mga labi nito sa forensic examination ng PAO Forensic Team at hiniling ang legal assistance ng PAO at ng inyong lingkod. Kami ay tumalima at patuloy na nagsusumikap na maipaglaban ang hustisya na nararapat para kay Jose.