Dear Roma,
Tawagin mo na lang akong Mary, 39 years old na ako, may tatlong anak na dalawang lalaki at isang babae. Hiwalay na ako sa asawa at may iba na siyang pamilya. Sa krisis na nararanasan natin ngayon, masasabi kong mahirap talaga ang buhay. Isa akong pharmacist at halos nasa store na ako maghapon dahil sa dami ng tao. Kasama ko ang nanay ko sa bahay kaya hindi naman din problema ang mga anak ko dahil hindi sila lumalabas ng bahay. May konting kaba akong nararamdaman, pero kailangan kong magtrabaho dahil kung hindi ay wala kaming kakainin. Ayaw ko ring umasa sa ibibigay ng barangay namin. Sana lang matapos na ang problemang ito. –Mary
Mary,
Matindi ang problemang kinakaharap natin ngayon. Tama rin ang ginagawa ng pamilya mo na pagtulong na manatili na lamang sa bahay. Gayundin, hanga kami sa katatagan mo dahil nakakaya mong buhayin ang iyong mga anak nang hindi humihingi ng tulong sa iyong asawa.
Dobleng ingat na lamang ang iyong gawin sa tuwing papasok sa trabaho. ‘Ika nga, mas mahirap maghintay na lang ng tulong mula sa ibang tao, gayung ang trabaho mo naman ay pinapayagang mag-operate ng gobyerno. Pasalamatan din natin ang Diyos dahil may maganda kang hanapbuhay para sa ikabubuhay ng iyong pamilya at mayroon kang magandang kalusugan.