Habang patuloy na nakikipaglaban ang buong mundo sa COVID-19 pandemic, napakahalaga ng bawat datos na naitatala ng gobyerno mula sa bilang ng tinamaan ng sakit, impormasyon ng mga pasyente hanggang sa sitwasyon ng bawat lungsod o probinisya.
Kailangan ng koordinasyon ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan nang sa gayun ay maging tama ang desisyon na kanilang gagawin para sa mamamayan.
Gayundin, ang mga datos na ito ang ginagamit na basehan sa pagdedesisyon ng pamahalaan kung maaari nang tanggalin ang community quarantine sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kaugnay nito, umamin ang Department of Health (DOH) na nagkaroon ng mga error o pagkakamali sa kanilang datos sa COVID-19, ngunit iginiit nito na hindi nakaaapekto ang mga pagkakamali sa kabuuang interpretasyon at pagsasagawa ng desisyon ng pamahalaan.
Kabilang sa mga napuna ng UP COVID-19 Pandemic Response Team ang pagbabago ng lokasyon at pagbabago mula patay na naging buhay na pasyente.
Gayunman, idinepensa ng DOH na agad nilang naayos ang mga pagkakamali at nangakong magdaragdag pa ng ibang rows dulot ng mga koreksiyon sa kanilang mga ipinakikitang datos sa COVID tracker.
Bagama’t nagpaliwanag ang DOH, nakaaalarma ang pagkakamaling ito at kahit naaksiyunan, kailangan pa ring managot ng sinumang responsable rito.
Mahalaga ang anumang impormasyon dahil ito ang basehan ng mga desisyon na maaaring makaapekto sa buhay at trabaho ng nakararami.
Kung mauulit ito at ‘di maaaksiyunan, paano na? Kanino pa magtitiwala ang publiko?
Bawat impormasyon at datos na nailalahad natin ay mahalaga hindi lamang dahil ito ang ginagamit na basehan sa mga desisyon para sa taumbayan kundi dahil puwede rin itong magdulot ng takot at panganib sa publiko.
Magsilbing aral ito na maging maingat tayo sa pagtatala ng mga datos o impormasyon.
Hindi basta-bata pagtatala ang ginagawa natin dahil kaligtasan at buhay din ang nakasalalay dito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.