top of page
Search
V. Reyes

NTC, sumagot na sa show cause order ng Kamara


Nagpaliwanag na sa Kamara ang National Telecommunications Commission (NTC) patungkol sa pagpapalabas nito ng cease and desist order laban sa ABS-CBN Corporation.

Sa tatlong pahinang tugon na ipinadala kina Speaker Alan Peter Cayetano at House Committee on Legislative Franchises Chairman Rep. Franz Alvarez, ipinaliwanag ng NTC na kanilang masusing pinag-aralan noon at hinanapan ng legal na suporta ang pagpapalabas ng provisional authority sa ABS-CBN bago mapaso ang prangkisa nito noong Mayo 4.

"Through the past months, the NTC has rigously sifted through various legal arguments, opinions of legal luminaries, stakeholders, and concerns of other sectors, on how to legally support the issuance of a P.A," saad ng NTC.

Ikinonsidera rin ng NTC ang komento ng Office of the Solicitor General na kung magpapalabas ng provisional authority ay magkakaroon ito ng criminal liability dahill kontra ito sa Saligang Batas, mga batas at jurisprudence na nagbibigay ng solong mandato sa Kongreso na mag-apruba o mag-renew ng prangkisa.

Matapos umano ang kanilang collective assessment sa isinasaad ng Konstitusyon, mga batas at jurisprudence ay mayroong maituturing na malaking balakid para magbigay sila ng provisional authority sa broadcast network.

Ayon sa NTC, ang pagbibigay ng provisional authority sa ABS-CBN ay mangangahulugan ng pagsapaw sa eksklusibong kapangyarihan ng Kongreso.

"If the NTC were to issue a PA, it would have amounted to an encroachment into the exclusive domain of Congress," ayon pa sa komisyon.

Nasa Korte Suprema na rin aniya ang usapin at sila ay obligado na dumistansya sa pagresolba o pag-aksiyon sa mga isyu na nakasalang na sa korte.

Ipinaliwanag din ng NTC na pumayag sila noon at nangako sa Kongreso na magbigay ng provisional authority sa ABS-CBN dahil ito ang kanilang nakitang best possible solution sa mga panahon na iyon.

Humingi ng paumanhin ang NTC kung hindi agad nito naipabatid sa Kongreso ang kanilang desisyon na magpalabas ng cease and desist order laban sa ABS-CBN na nagbunga ng pagkagulat ng mga mambabatas.

Wala umano silang intensyon na bastusin ang mga mambabatas. Nakatakda namang pag-aralan ng komite ang paliwanag ng NTC para matukoy kung dapat itong ma-contempt o hindi.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page