Nitz Miralles / Bida
Hindi na nakatiis si Judy Ann Santos sa matagal nang basher ng asawang si Ryan Agoncillo na fan pa naman niya. Hanggang ngayon kasing may tatlong anak na ang mag-asawa at ilang taon nang nagsasama, hindi pa rin matanggap ng basher na si Ryan ang pinili ni Judy Ann.
Napaka-positive ng video post ni Ryan kung saan ang makikitang photo ay bagong kasal yata sila ni Judy Ann at maririnig pa sa background ang tawa ng aktres na parang kinilig sa mga ibinulong ng mister.
Pero ang basher na paiba-iba ng account, minura si Ryan dahil hindi raw minahal at pinahalagahan si Juday. Pati raw nakaraang birthday ni Judy Ann, binalewala ni Ryan.
Ang nakakapangilabot pa, grabe kung murahin nito si Ryan at pati ang pamilya ng TV host, at ‘yun yata ang nag-trigger kay Juday para sumagot at hindi sinunod ang sinabi ni Ryan na ‘wag niyang pansinin ang basher na baka pangarap maging writer.
Sagot ni Judy Ann: “@angelsolid2329 Ang husay mo... ang husay mong gumawa ng kwento at napakahusay mong magmura. Ayoko namang sagutin ka sana... but, you don’t have the right to say those words to my husband and to our relatives. Halata namang marami kang time, bilang nagbabago-bago ka lang naman ng account pero matagal ka nang nangto-troll dito sa account ni Rye. Get a life! Lubayan mo kami.”
Anyway, ang asawa at mga anak lang ang nakasama ni Judy Ann sa 42nd birthday niya last May 11.
Ipinagmalaki nitong ang panganay nilang si Yohan ang nag-bake ng kanyang birthday cake at tulips naman ang birthday gift sa kanya ni Ryan.
“I love flowers! But tulips makes me the happiest... I guess only one person knows that... my husband. Never fails... I love you bub.. thank you for always having my back.”
Ano kaya ang masasabi ng basher na gumastos si Ryan para ibili ng tulips si Judy Ann para mas sumaya ang birthday nito?