top of page
Search
Justine Daguno

Mga dapat gawin para makahanap ng trabaho habang naka-lockdown

Sa hindi inaasahang pananalasa ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa, nagbago ang pamumuhay ng marami sa atin. Bagama’t may mga pinalad na may hanapbuhay o ipon sa panahong ito, tila bad timing naman ito sa mga nais sanang magbago ng career path o nakapag-resign sa kani-kanilang trabaho sa panahon ng krisis.

Hindi naman natin alam na ganito ang mangyayari, pero imbes na maburyong o panghinaan ng loob, tingnan natin ang “bright side” ng sitwasyon. Narito ang ilan sa mga bagay na puwede mong gawin:

1. Mag-research tungkol sa mga kompanya. Sa kasalukuyang sitwasyon natin, mas nakikilala ang mga kumpanya na tunay na may malasakit sa kanilang mga empleyado. Gamitin ang pagkakataong ito para makapag-research at mapag-aralan ang kumpanya na nais pasukan. Isa pa, advantage at magandang impression sa employer kapag alam nilang informative ang aplikante sa kanilang kumpanya.

2. I-review ang CV o resumes. Curriculum vitae o resume ang pangunahing sandata ng mga aplikante bago sumabak sa mga job fair o company interviews. Bukod sa kailangang totoo ang impormasyong nakalagay dito, dapat ay impressive rin ito at dapat kaya mo itong panindigan kaya naman samantalahin ang panahon sa bahay para i-review at pagandahin pa nang husto ang mga ito.

3. I-improve online profiles o social media accounts. Ayon sa mga online job search platforms, mahalagang maayos ang online profiles o socmed accounts ng aplikante sapagkat gamit ito, magkakaroon ng ideya o maaaring ito ang pagbasehan ng mga employer tungkol sa personalidad ng aplikante sapagkat ang social media accounts ang isa sa mga ginagamit ng tao upang i-express ang kanilang sarili.

4. I-practice interview skills. Habang nag-i-stay at home, magbasa ng mga tips at manood ng mga interview guides at ‘question and answer’. Puwedeng mag-practice na magsalita sa harap ng salamin o gumamit ng voice recorder o magpatulong sa sinumang kasama sa bahay upang madaling malaman kung ano ang mga bagay na dapat mong iwasan o gawin upang ma-improve ang iyong sarili.

5. Maging positibo. Ito ang pinakaimportanteng bagay na dapat mong gawin sa mga panahong ito. Masuwerte ka kung may mga nagbibigay-suporta sa ‘yo, pero kung meron man dapat maniwala at magtiwala sa iyo, ikaw ‘yun. Ngayong may lockdown, marami pang time para gumawa ng mga kapaki-pakinabang na bagay na makatutulong para mas maging better ang buhay mo.

‘Ika nga, “weder-weder” lang ang buhay at may pagkakataon talaga na minsan ay inaalat tayo, pero ‘wag mag-alala dahil isa lamang itong pagsubok na tulad ng mga naunang naranasan natin ay paniguradong malalampasan at maipapanalo rin natin ito. Good luck!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page