top of page
Search
Shane Ludovice

Labis na pag-inom ng alak at paninigarilyo, pangunahing dahilan ng stroke

Dear Doc. Shane,

Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa stroke? Ito ang ikinamatay ng kumpare ko at ang sabi nila ay malakas daw siyang uminom ng alak at manigarilyo kaya ito na-stroke. Totoo ba ‘yun? – Agustin

Sagot

Kung mayroong atake sa puso, mayroon ding atake sa utak at mas kilala ito sa tawag na stroke. Ang stroke ay nakamamatay na sakit na nakaaapekto sa utak.

Narito ang ilan sa mga dahilan nito:

  • Malakas na pag-inom ng alak at paninigarilyo

  • Pagkakaroon ng labis na timbang

  • Pagkakaroon ng diabetes

  • Pagkakaroon ng alta-presyon

Ang mga ito ay nagdudulot ng pagbabara o pagdurugo sa mga ugat ng utak dahilan upang hindi sumapat ang dumadaloy na oxygen sa mga ugat nito. Kapag nangyari ito, ang mga selula ng utak ay unti-unting mamamatay at posibleng maging sanhi ng permanenteng pinsala sa utak.

Kapag ang tao ay nagka-stroke, makararamdam siya ng pamamanhid sa kalahating bahagi ng kanyang katawan at mahihirapan din siya sa pagsasalita.

Mga uri:

  • Ischemic stroke. Ito ay ang pinakalaganap na uri ng stroke. Base sa datos, 87% ng stroke ay ischemic stroke. Nagkakaroon nito kung ang mga ugat sa utak ay nabarahan ng mga namuong taba o dugo.

  • Hemorrhagic stroke. Kung ang ischemic stroke ay ang pagbabara ng mga ugat, ang hemorrhagic stroke naman ay ang pagdurugo ng mga ugat. Dahil sa pagtaas ng presyon sa utak, ang mga ugat nito ay maaaring pumutok o malagot kaya nagkakaroon ng pagdurugo.

  • Transient ischemic attack (TIA). Ito ay kaugnay ng ischemic stroke, pero hindi ito kasinlala nito. Sa TIA, nagkakaroon ng pansamantalang pagbabara ng mga ugat. Bagama’t hindi ito kasinglala ng ischemic stroke, hindi pa rin ito dapat balewalain. Ang TIA ay hudyat na maaaring magkaroon ng mas malalang stroke na magdudulot ng permanenteng pinsala sa utak.

  • Cryptogenic stroke. Ito ay isang uri ng stroke na hindi malaman-laman kung ano ang dahilan kahit marami nang laboratory tests ang isinagawa. Sa kasong ito, nangangailangan pa ng maigting na kolaborasyon sa pagitan ng mga neurologist, cardiologist at electro physiologist.

  • Brain stem stroke. Kapag nagka-stroke ang tao, ang kadalasang napaparalisa ay ang kalahating parte ng katawan. Pero kapag ito ay brain stem stroke, ang buong katawan ay napapaparalisa. Sa uri ng stroke na ito, hindi magagawang makapagsalita at makakilos ang pasyente.

Kung ma-diagnose ng sakit na stroke, hindi dapat mawalan ng pag-asa. Maraming gamot at lunas para rito. Isa pa, ang stroke ay madalas na nakukuha dahil sa maling lifestyle. Kaya kung aalagaan nang husto ang katawan, maiiwasan ang pagkakaroon nito.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page