Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang rekomendasyon ng Commission on Higher Education na base sa education delivery mode ang pagbubukas ng klase sa mga unibersidad at kolehiyo sa harap ng krisis sa COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na base sa IATF Resolution No. 36, nangangahulugan na makapagbubukas na kaagad ang mga higher education institutes kung gumagamit sila ng full online education habang ang gumagamit ng flexible learning ay makapagbubukas anumang oras sa Agosto 2020.
At ang mga higher education institutes na gumagamit ng significant na face-to-face/in person mode ay makapagbubukas lamang nang hindi mas maaga ng Setyembre 2020 sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine.
"'Yung mga face-to-face at in person na instruction po, hindi po pupuwede magbukas hanggang Setyembre a-uno," sabi ni Roque sa virtual press briefing sa Malacañang.
Nabatid din na ang mga pribadong higher education institutes ay hinahayaang magpalit ng kanilang academic calendar at magbukas sa Agosto 2020.
Patuloy naman aniya ang gagawing review ng CHED sa mga kondisyon at pakikipag-usap sa mga higher educational institutions.