Ronalyn Seminiano / Showbiz Trends
Trending sa social media si Kathryn Bernardo matapos siyang maglabas ng statement kaugnay ng nangyaring pagpapasara sa ABS-CBN Network na ipinost niya sa kanyang Instagram account.
Aniya, “Alam ko pong marami sa inyong may alam na matagal ko pong piniling manahimik. Bakit?
Kasi kagaya po ng iba sa inyo, natakot po ako. Kasi nu’ng huling beses po na ginamit ko ‘yung platform ko sa usaping pulitika, hindi naging maganda ‘yung nangyari, naging traumatic po ‘yung experience ko nu’n. Kagaya po ng nararanasan ngayon ng ibang mga artista na nagsalita, ang dami pong pag-atake, ang daming sinabing hindi lang sa akin, pero pati pamilya ko, kaya sinabi ko po nu’n sa sarili ko na ‘yun na ‘yung huling beses na magsasalita ako sa ganu’ng usapin kasi ayoko nang maulit ‘yun.
"Pero ngayon, 'andito po ako kasi pakiramdam ko, kailangan. Pakiramdam ko, kahit wala mang kasiguraduhan na marinig ‘to, at least may ginawa ako. Pakiramdam ko, kailangan kong maging boses ng iba kaya andito po ako, pinipili ko pong magsalita kasi nagpatung-patong na ‘yung mga dahilan.
“Maaaring marami sa inyo, iniisip po na maginhawa ‘yung buhay namin kumpara sa iba. Opo, pero hindi po ru’n nagtatapos ‘yun, eh. Mas may responsibilidad po kami na tumulong sa iba. Hindi po ibig sabihin nu’n na hindi kami apektado sa nangyayari kasi hindi namin kayang makita ‘yung mga tao na nahihirapan, na umiiyak, na hindi alam kung ano na ang mangyayari sa kanila. Kaya 'andito po kami kasi responsibilidad po naming makaramdam, para maging boses ng mga taong hindi mapakinggan. Kasi kung hindi kami magsasalita, sino ang magsasalita para sa kanila?"
May binanggit din si Kathryn na isang linya niya sa huling pelikula na ginawa niya kung saan naka-relate raw siya sa nangyayari ngayon.
Ani Kath, “Ang sinabi ru’n, ‘Ang choice, para lang sa may pera.’"
Kasunod nito, naikuwento niya na sa isang buwang nakasama niya ang mga OFWs sa Hong Kong nang gawin niya ang movie nila ni Alden Richards na Hello, Love, Goodbye, du'n niya nakita at napatunayan kung gaano kahirap ang buhay.
Dagdag ni Kathryn, “Tapos ngayon, ‘yun pong pagkawala ng… pagka-shutdown ng ABS-CBN, sa ginawa nilang ‘yun, mas binawasan pa natin ‘yung pagpipilian ng mga kababayan natin.
“Alam po natin na maraming lugar sa Pilipinas, ang tanging channel na meron sila, ang nasasagap lang nila ay ang ABS-CBN. Sa panahon po ngayon ng pandemya na kailangan po natin ng impormasyon, maya’t maya, alam po natin kung gaano kaimportante ang news, ang pagkukuhanan ng impormasyon, pero ngayon, nawala rin po ‘yun sa mga kababayan natin. So paano po sila makakakuha ng update sa nangyayari sa mundo, sa Pilipinas?"
Dahil sa hirap na kinakaharap ng bawat isa sa sitwasyong pinagdaraanan natin ngayon, ani Kathryn, “Ito ‘yung panahon po na dapat wala tayong mapag-iwanan na Pilipino. Ito ‘yung panahon na dapat magtulung-tulong tayo. Kaya nananawagan ako sa mga tao na may access sa impormasyon, sana alamin natin kung ano ‘yung nangyayari, alamin natin kung bakit namin ipinaglalaban ito, kung bakit paulit-ulit naming sinasabi na walang nilabag na batas ang ABS.
Tulungan n’yo kami na ipaintindi sa iba kung saan kami nanggagaling."
Hangad din ng aktres na 'wag na raw palalain ang sitwasyon sa pagdagdag ng 11,000 na mawawalan ng trabaho kapag tuluyang naipasara ang ABS-CBN.
Sinabi rin niyang hindi ang pagsasalita nilang mga artista para ipagtanggol ang ABS-CBN ang issue kundi, "Una, isyu rin po ito ng labor issue kasi ilang libong empleyado ‘yung nawalan ng trabaho kahit na wala naman silang nilabag na batas. Issue rin po ito ng public health kasi ‘yung impormasyon na pinagkukunan nila para protektahan ‘yung mga sarili nila, nawala. At lastly, issue rin po ito ng press freedom kasi nawalan sila ng paraan para magpahayag."
Kaya ang panawagan daw niya sa mga kinauukulan, "Sana, bigyan natin ng atensiyon ‘yung mas kailangan, ‘yun pong mas makakabuti para sa nakararami. Tayong mga Pilipino, sana, matuto tayong manindigan sa kung ano’ng tama. Sana, magamit natin ‘yung boses natin para maipahayag nang responsable kung ano ‘yung mga saloobin natin."
May panawagan din siya sa iba na 'wag matakot tulad niya na magpahayag ng saloobin.
"Sa mga kabataan, sana ‘wag kayong matakot kasi kagaya n’yo rin ako, natakot ako. Pero kung hindi kasi tayo magsasalita ngayon, sino? Tayo ‘yung magmamana ng Pilipinas kaya may karapatan tayo.”
At katulad ng ibang Kapamilya artists, umaasa rin si Kathryn na magkakaroon ng tamang proseso para makabalik na ang ABS-CBN sa ere.