top of page
Search
Maestro Honorio Ong

Inisilang sa Year of the Dragon, sobrang hilig sa mga bata dahil sa positibong future na wala sa lum


Bulgar Horoscope

Sa pagpapatuloy ng pagtalakay ng magiging kapalaran ng bawat animal sign ngayong taon, tatalakayin naman natin ang ugali at magiging kapalaran ng mga isinilang sa Year of the Dragon ngayong Year of the Metal Rat.

Kung ikaw ay isinilang noong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000 at 2012, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Dragon.

Sa aspetong pang-emosyonal at pakikipagrelasyon, sadyang tapat at totoo sa kanyang damdamin ang Dragon, kaya sa sandaling sinabi niyang “Mahal kita,” tunay na tunay mahal ka niya. Kadalasan, ang pagmamahal na ito ng Dragon, bukod sa totoong-totoo ay nagiging panghabambuhay na.

Sinasabing higit na magiging maligaya at mapalad ang Dragon sa larangan ng pakikipagrelasyon kung medyo bata pa siya ay nakatagpo ng partner sa buhay o medyo maaga siyang mag-aasawa, kung ikukumpara sa mga Dragon na medyo late o nasa middle age na nang nag-asawa ay hindi gaanong nagiging maligaya.

Sa kabilang banda, nangyayari talagang late nakapag-aasawa o nagkakaroon ng seryosong karelasyon ang Dragon dahil sa tendency nilang makadama ng kampanteng pakiramdam sa panahong sila ay nag-iisa. Tunay ngang mas “at ease” ang Dragon sa kanilang sarili o anumang kanilang ginagawa kapag sila ay nag-iisa.

Dahil likas na malungkutin at mapag-isa, hinahanap ng Dragon ay ang nilalang na marunong umunawa at may simpatya na kausap at maniniwala sa kanyang mga hinaing at malalim na lumbay sa buhay. Kaya naman sa sandaling nakuha mo ang loob ng Dragon, habambuhay na siyang magiging totoo, magmamahal at magmamalasakit sa iyo.

Dahil nakuha mo na ang loob at katapatan ng Dragon, sa bandang huli, magiging sobrang tapat at devoted siya sa iyo. Sa ganitong sitwasyon, isa lang ang maaaring magawa mong mortal na kasalanan sa kanya at ito ay ang sirain mo ang kanyang tiwala.

Kapag nangyari ito, umasa ka na guguhong lahat ang tiwalang ipinagkaloob niya sa iyo at dahil parang tahasang niloko mo siya at pinaglalangan, sa paghihiwalay ninyo, matatagpuan mo siyang lupaypay ang balikat, depressed at hindi na ulit makapagsisimula ng bago at mas masayang pamumuhay.

Sa kabila nito, ang isa pang kahanga-hanga sa pagkatao ng Dragon ay ang masayahin at mapagmahal siya sa mga bata. Tunay ngang sa kabataan nakikita ng Dragon ang positibong future na wala sa kasalukuyang henerasyon. Malinaw na nakikita at nadarama ng Dragon na nasa kabataan ang pag-asa ng maunlad, makatarungan at mas maligayang lipunan sa kinabukasan.

Tugma at bagay na bagay naman sa Dragon ang bolera, masiyahin at mapang-akit na Unggoy. Magiging maalwan, maunlad at maligaya naman ang pakikipag-relasyon ng Dragon sa pratikal at materyosong Daga. Bagay din sa Dragon ang Ahas dahil magagawa ng Ahas na utuin, unawain at hayaan lang ang mga megalomania na pangarap at malalaking ambisyon ng Dragon na malabo niyang maabot, ngunit sa tulong ng matalino at madiskarteng Ahas, maaaring silang dalawa ay makabuo ng maunlad, mayaman, high-tech at bagong sibilisasyon.

Itutuloy

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page