top of page
Search

Daniel sa NTC: Sana, ‘di lang para sa interes ng ilan ‘yang ginagawa n’yo sa ABS-CBN

Julie Bonifacio

Namumugto ang mga mata ng Kapamilya star na si Daniel Padilla habang nagbibigay ng kanyang mensahe sa video na in-upload niya sa kanyang Instagram account.

Nalulungkot daw si Daniel sa mga nangyayari sa ating mga Pilipino at sa ating bansa ngayon.

"Nalulungkot, na dapat nagkakaisa tayo at may hinaharap tayong pandemya. Nalilihis ang usapan at nagkakawatak-watak pa tayong mga Pilipino dahil sa pagkakaiba ng opinyon," panimula ni Daniel sa kanyang video.

Bilang Pilipino, tungkulin daw natin ang maging mapagmatyag. Karapatan din daw natin ang makapagsalita. Pero kasama raw ng karapatan na 'yan ay responsibilidad na siguraduhin na ang sinasabi natin ay tama.

Nagpahayag din si Daniel ng pagkadismaya sa mga nang-iinsulto sa mga kapwa niya Kapamilya stars na piniling magsalita sa pagpapahinto sa pag-broadcast ng ABS-CBN.

"Wala naman ho silang ibang layunin kundi ang muling magbukas ang ABS-CBN. Ang gusto lang naman nila, eh, mapawi ang takot na nararamdaman ng mga empleyado na maaaring mawalan ng trabaho.

"Ano ho ba'ng masama? Ano ho ba'ng masama sa manindigan sa sariling kabuhayan at sa kabuhayan ng marami?

"Sa lahat ng mga pumupuna sa mga nagsasalita, alam ko po na magkakaiba tayo ng opinyon. Alam ko na kung anuman ang halaga sa amin ng ABS-CBN, maaaring hindi 'yun ang halaga nito sa inyo.

"Pero sana ho, huwag tayong makalimot. Huwag po tayong makalimot sa pinagdaraanan ng iba.

"Bago ho ako naging artista ay tao at Pilipino muna ako. Kaya sana, huwag ninyong ipagkait sa amin ang karapatan namin na makapagpahayag ng saloobin," diin ni Daniel.

Pinasalamatan naman ni Daniel ang lahat ng mga kasamahan niyang artista at mga empleyado na sumusuporta sa mga Kapamilya stars na gaya niya na naglalabas ng saloobin sa pagpapatigil sa ere sa ABS-CBN.

"Meron ho tayong mas malaking hinaharap ngayon at 'yun po ang pandemya. Ituon po natin ang lahat ng meron tayo para tiyakin ang kaligtasan ng bawat Pilipino."

Nagbigay din ng mensahe si Daniel sa National Telecommunications Commission (NTC) na naglabas ng Cease and Desist Order (CDO) para ipasara ang ABS-CBN.

"Sa NTC, mga kapatid, sana po, ang mga ginagawa ninyong desisyon ay hindi lang ho 'yan para sa.... interes ng ilan.

"Sana ho, 'yung desisyon na ginagawa n'yo ay para sa... ikabubuti ng marami. 'Yun lang ho."

Sa huli, nagpahayag ng panawagan si Daniel para sa mga Pinoy.

"Higit sa lahat, sa mga kapwa ko Pilipino, huwag po nating talikuran ang pagiging makatao. Buksan po natin ang mga puso natin para sa pinagdaraanan ng iba.

"Buksan natin ang mga mata natin para sa katotohanan. Mas mainam pa ang bulag kesa sa nagbubulag-bulagan," pagtatapos ni Daniel.

Umani naman ng mga papuri si Daniel mula sa mga netizens, especially sa mga followers niya on his IG account.

Gaya na lang ng comment ng may username na personal_paparazzi.ph, "Matalinong bata talaga si Daniel Padilla. Napansin ko lang. Effective 'yung sagot n'ya. Mukhang s'ya lang nakasalba sa ilan niyang kasamahan sa industriya."

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page