Nagbabala ang World Health Organization (WHO) na maaaring manatili na ang covid-19 at hindi na mawala.
Ayon kay WHO emergencies director Dr. Mike Ryan, kahit makahanap pa ng bakuna laban sa virus ay hindi madali ang pagkontrol dito.
"It is important to put this on the table: this virus may become just another endemic virus in our communities, and this virus may never go away," pahayag ni Ryan sa isang virtual press conference.
Tinatayang aabot na sa halos 300 libo katao ang sinasabing nasawi sa buong mundo dahil sa covid-19 habang may 4.3 milyong kaso ng virus infection na ang naitala.
Inihalimbawa ni Ryan ang ilang sakit gaya ng tigdas na kahit may bakuna na ay hindi pa rin nawawala.
Gayunman, si WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus naman ay iginiit na posible pa rin ang pagkontrol sa virus.
Binigyang-diin ng opisyal ang kahalagahan ng pagtulong ng lahat para matigil na ang covid pandemic na ito.
Nagpaalala rin si Tedros sa pamahalaan ng bawat bansa na tiyaking mataas pa rin ang alerto laban sa covid-19.
Nagpaalala rin ang WHO sa second wave ng virus infection kung hindi magiging maingat ang lahat
lalo na at may mga bansa ang nagbabawas ng restriction para unti-unti nang mabuksan ang kanilang ekonomiya.