Malinaw na aarestuhin at kakasuhan ang sinumang hindi susunod sa mga guidelines na umiiral sa gitna ng pananalasa ng COVID-19 sa bansa.
Ito ang banta ng mga awtoridad sa mga patuloy na sumusuway at tila walang pakialam sa krisis na nagpapahirap sa maraming mamamayan.
Kaya naman, hindi ikinatuwa ng mga netizens ang kumalat na mga larawan mula sa naganap na kaarawan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Major General Debold Sinas noong Mayo 8.
Makikita sa mga larawan ang lantarang pagtitipon o “mass gathering”, hindi rin naipatupad ang social/physical distancing dahil tila wala naman sa 2-meters distancing ang pagitan ng mga tao at kitang-kita rin ang mga alak sa mesa kahit pa may umiiral na liquior ban.
Kaugnay nito, wala umanong balak si Gen. Sinas na maghain ng leave of absence habang iniimbestigahan siya sa kontrobersiyal na birthday party.
Aniya, ito ay maliban na lamang kung may utos mula sa PNP chief o kay Pangulong Rodrigo Duterte na siya ay pansamantala muna mag-leave.
Sa totoo lang, walang masama sa pagdiriwang ng kaarawan o anumang okasyon pero sana ay ‘wag kalimutan ang batas. Kung ang Pangulo ay nakatiis sa simpleng selebrasyon makasunod lang sa protocol, bakit hindi ito magawa ng ibang lider ng Pambansang Pulisya?
Kapag ordinaryong mamamayan o walang posisyon sa gobyerno ang may violation, ang bilis ninyong umaksiyon. Pero kapag sila mismo ang involved ay kailangan pa ng masusing imbestigasyon.
Magtataka pa ba tayo kung bakit maraming mamamayan ang matigas ang ulo, eh, kung sino pa ang tagapagpatupad ng batas, sila pa ang mismong lumalabag.