Mahigit sa P19 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng Northern Police District (NPD) sa walong indibidwal na natimbog sa buy-bust operation sa Caloocan City, Miyerkules ng gabi.
Kinilala ni NPD Director P/Brig. Gen. Rolando Genaro Ylagan ang mga naarestong suspek na sina Arthur Salguero, 49; Rose Cruz, 31; Ricky Nelson Cruz, 57, pawang mga residente ng Gilmar Subdivision, Bgy. 168 Deparo; Herchill Resco, 24; Jhon Dale Estorninos, 21; Joshua De Andres, 24; Albert Delema, 26, pawang residente ng Valenzuela City at Willam Tante, Jr., 39, ng Bgy. Guadalupe Nuevo, Makati City.
Ayon kay Gen. Ylagan, alas-7:30 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Ramon Aquiatan, Jr, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Col. Giovanni Hycenth Caliao I, ang buy-bust operation kontra kay Salguero at mga kasama nito sa harap ng kanyang bahay sa Bgy. 168 Deparo na ginagawa umano nitong drug den.
Nang iabot ni Salguero at kanyang kasama ang isang pack ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P50,000 marked money na binubuo ng 5 pirasong P1,000 bill at 45 piraso ng boodle money, agad silang sinunggaban ng mga tauhan ni Capt. Aquiatan habang naaktuhan naman ang iba pang suspek na nagsa-shabu sa loob ng bahay.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 2.8 kilos ng shabu na may standard drug price na P19,040,000, tatlong cellphones, Toyota Vios (ALA-1169) at ilang drug paraphernalia.
Ani Gen. Ylagan, ang pagkakaaresto sa mga suspek ay resulta ng naunang operasyon na isinagawa ng DDEU noong Mayo 11 sa Sapang Saging, Bgy. 8, Julian Felipe, Caloocan City kontra sa notorious drug pusher na si Gary Villanueva at apat nitong kasama kung saan nakumpiska sa mga ito ang 70 gramo ng shabu.