Sa kabi-kabilang pag-aaral na ginagawa tungkol sa pandemic na tumama sa buong mundo, nababahala pa rin ang lahat dahil hanggang ngayon ay wala pang bakuna o gamot para labanan ang covid-19. Ang iba ay abala sa sariling paraan para hindi mahawaan ng virus habang ang iba naman ay hindi alintana ang maaaring mangyari. Subalit, may ibinabalitang maigi raw na panlaban ang sigarilyo sa coronavirus kaya masuwerte ang mga smokers.
Noong nakaraang buwan, naglabas ang mga French researchers ng preliminary data na nagpasaya nang husto sa mga cigarette smokers dahil sinasabing ang mga nicotine users ay maaaring malayo sa panganib na magkaroon ng coronavirus o matinding kumplikasyon mula rito, ayon sa initial findings.
Mariing ipinahayag ng World Health Organization (WHO) na hindi ito totoo at paulit-ulit na binabalaan ang publiko, subalit patuloy na isinasangkalan ng mga tao ang naturang pag-aaral.
“We know the harms of smoking,” sabi ni WHO expert Maria Van Kerkhove. Ayon sa kanya, “The two most basic: higher risk of severe disease and death.”
Ipinaliwanag ni Kerkhove na ang ginawang research ng France tungkol sa nicotine na nagbibigay umano ng preventive capabilities ay walang basehan. Gayundin, ang pagsasaliksik dito ay hindi naging matagumpay dahil walang sumunod na pag-aaral at pagrerebisa sa kanilang mga natuklasan.
Sa halip, ibinahagi niya na may mga pagpapatunay at ebidensiya mula sa katawan ng tinamaan ng virus, na ang covid-19 ay mas madaling tumatama at pumapatay sa mga smokers dahil ang kanilang respiratory systems ang target ng nasabing sakit, na nagiging mahina sa panahon na umaatake na ang impeksiyon. Lumalabas din na mas malaki ang tsansa na makuha agad ang virus dahil sa kamay na dumadampi sa bibig pati na rin ang sigarilyo na isinusubo.
Isipin sana natin na mas makabubuti na bigyang importansiya ang ating kalusugan. Hindi nakatutulong ang pagkakaroon pa ng bisyo sa nararanasan nating krisis sa kalusugan. Nagiging mga sundalo pa ng coronavirus ang mga nicotine na pumapasok sa ating katawan para salakayin at unti-unting pahinain.
Sa halip na gawin ang gusto mapasaya lamang ang sarili, magandang makiisa tayo sa layuning maging malakas at malusog upang malabanan ang covid-19. Okie?