Salaminin natin ang panaginip ni Rochelle na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Umuwi rito sa Pilipinas ‘yung ka-chat ko, pero nasa Manila pa siya at hindi makapunta rito sa samin sa Nueva Ecija, kaya ang laki ng problema ko dahil naka-lockdown sa amin at sa Manila.
Tapos, pumunta ako sa barangay namin at sinabi ko sa kapitan ang problema ko at sinabing pahihiramin niya ako ng sasakyan ng barangay para masundo namin ang ka-chat ko.
Naghihintay,
Rochelle
Sa iyo Rochelle,
Kapag malungkot ang tao, ang kanyang panaginip ay gumagawa ng paraan para siya ay sumaya. Dahil dito, malinaw na pinaghaharian ka ng kalungkutan ngayon. Gayunman, kahit ang tao ay nabubuhay sa lungkot, may ilang bagay pa ring nagpapasaya sa kanya, kumbaga, ang buhay ay hindi naman puro loneliness. Kaya malinaw din na sa pakikipag-chat, ikaw ay sumasaya. Sabagay, tiyak din na hindi lang ikaw ang sumasaya sa pakikipag-chat, lalo na ngayong hindi makalabas ang mga tao at puro internet lang ang ginagawa nila.
Sa iyong panaginip na pumunta rito ang ka-chat mo, ibig sabihin, siya ay foreigner. Masuwerte ka dahil marami sa mga foreigner na nakikipagchat ay mababait at bukas ang kanilang puso para sa mga Pinay. Pero may kondisyon at ito ay ang kailangan, matagal nang ka-chat ang foreigner dahil kapag hindi pa siya matagal na kapalagayang-loob, hindi puwedeng sabihin na siya ay mabait.
Gayundin, sa iyong panaginip, makikitang may katagalan na kayong magkakilala, kaya hinahangad mong makapunta siya rito. Ayon sa iyong panaginip, puwede siyang bumisita sa atin dahil sa kayo ay matagal na ring magkakilala.
Pero hindi pa ito ngayon dahil tulad ng nasabi na, kaya mo siya napanaginipan ay dahil nakakulong ka sa bahay.
Muli, inaaliw ng panaginip ang tao kapag siya ay nalilito na sa kung ano ang gagawin sa lungkot na naghahari sa kanya.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo