Mapapawi ang uhaw ng mga Filipino para sa palakasan sa paglipat mula Extended Community Quarantine (ECQ) papuntang Modified Extended Community Quarantine (MWCQ) at General Community Quarantine (GCQ) sa mga susunod na araw. Ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque na maaari nang magsagawa ng limitadong mga ehersisyo sa labas ng tahanan matapos itong mahigpit na ipagbawal noong panahon ng ECQ.
Puwede nang maglakad, tumakbo o magbisikleta subalit dapat ay sundan pa rin ang mga patakaran gaya ng paggamit ng facemask at physical distancing na hindi kukulangin sa dalawang metro. Sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ, papayagan ang mga non-contact individual sports gaya ng Tennis at Golf kung saan kailangan ding mag-facemask at social distancing.
Mananatiling sarado ang mga gym at palaruan kahit ibaba na sa GCQ ang lugar. Ito ay hindi pinayagan kahit humingi ng konsiderasyon ang ilang may-ari ng mga negosyong ito.
Kahit pwede nang tumakbo sa labas, hindi pa rin papayagan ang mga malakihang pagtitipon gaya ng mga fun run at marathon. At dahil sarado pa ang mga palaruan, wala pang hudyat na maaaring ganapin ang mga torneo at liga kahit isara pa nila ito sa publiko.
Titingnan at pag-aaralan sa mga susunod na linggo kung kailangang baguhin ang mga naihayag na alituntunin. Ang Kalakhang Maynila, Cebu City at lalawigan ng Laguna ay sakop ng MECQ simula Mayo 16 hanggang 31.