top of page
Search
BULGAR

Mga papansin sa socmed, sampolan!

Marami sa atin ang naeengganyo sa paggamit ng social media kung saan may ilan na ginagamit ito bilang self-expression at meron din namang ginagawa lamang itong libangan.

Magkakaiba man ang ating mga dahilan, tandaan na lahat ng ipino-post natin sa socmed ay meron tayong pananagutan.

Tulad na lamang ng isang 25-anyos na guro sa Zambales na inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation matapos itong mag-post sa kanyang Twitter account ng pagbabanta umano sa buhay ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nag-post sa kanyang private Twitter account ang public school teacher na handa siyang magbigay ng P50-million na reward sa makapapatay sa Pangulo.

Aniya, nagawa lamang niya ito para may makapansin sa kanyang account at dumami ang kanyang followers at retweets.

Bagama’t burado na ang account nito, maraming netizen ang nakapag-screenshot nito at hawak na ng NBI ang ebidensiya.

Sasampahan ng kasong paglabag sa cybercrime law ang suspek na posibleng maharap sa pagkakakulong at multang hindi bababa sa P200, 000.

Kasunod nito ay isa pang lalaki sa Boracay ang dinakip naman ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP.

Nag-post ang suspek sa kanyang socmed account na dodoblehin niya ang naunang P50-million na reward at gagawin niyang P100-million ang pabuya sa makapapatay sa Pangulo.

Kasong inciting to sedition sa ilalim ng Article 142 ng Revised Penal Code ang isinampa laban sa suspek.

Suportado man o hindi ang kasalukuyang gobyerno, ang banta ng pagpatay ay mali sa lahat ng sitwasyon kaya huwag gawing katwiran na biro lamang ito o walang ibig sabihin.

Maging aral sana sa lahat hindi lamang sa kabataan kundi maging sa matatanda na tila hindi natututo na walang umaawat sa atin sa malayang paggamit ng social media pero dapat maging responsable tayo.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page