Nilinaw ng Palasyo na wala nang aasahang pinansyal na ayuda mula sa pamahalaan ang mga residenteng naninirahan sa general community quarantine (GCQ) area.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, limitado na ang pondong ibinigay ng Kongreso.
"Iyong mabibigyan po sa second tranche ay iyon lamang nananatili sa ECQ na dineklara noong pangalawang buwan ng ating Pangulo. Malinaw po iyan. Doon sa unang buwan, lahat nang nasa ECQ, may ayuda. Sa pangalawang buwan, iyong mga lugar na nakatira lamang sa ECQ ang may ayuda; wala na pong ayuda iyong mga nasa GCQ area," ani Roque.
Matatandaang, 200 milyong pisong pondo ang inilaan ng pamahalaan para sa SAP sa loob ng dalawang buwan kung saan target na mabigyan ng P5,000 hanggang P8,000 ayuda ang mga apektadong pamilya sa loob ng dalawang buwan.
Ayon pa sa kalihim, ilalaan na lamang ang natitirang pondo sa mga mahihirap na pamilya na naninirahan sa ECQ area.
Gagamitin din ang natitirangg pondo sa limang milyong pamilya na idinagdag sa 18 milyong pamilya na nakinabang sa unang tranche ng SAP.