top of page
Search
V. Reyes​

Birthday party ni NCRPO Chief Sinas sa gitna ng lockdown, imbestigahan — PNP


Iniutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Archie Gamboa sa Internal Affairs Service (IAS) ang pag-iimbestiga sa idinaos na birthday party ni National Capital Region Police Director Major General Debold Sinas sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine.

Partikular umanong aalamin sa pagsisiyasat ang posibleng paglabag ni Sinas at ng iba pang opisyal ng PNP sa quarantine protocols tulad ng pagpapairal ng social distancing at pagbabawal sa mass gatherings.

Una nang ibinihagi mismo sa social media page ng NCRPO Public Information Office ang mga larawan ng pagdiriwang ng ika-55 kaarawan ni Sinas noong Mayo 8 sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Binura na ang nasabing mga larawan sa Facebook page ng NCRPO PIO.

Gayunman, itinanggi umano ni Sinas na mayroong party at agad na dumipensa si Gamboa para sa heneral.

“Una, walang party’ng nangyari ang sabi ni Gen. [Debold] Sinas. Probably nagkaroon ng mañanita pero doon sa mañanita ang sabi ni Gen. Sinas is that in-observe pa rin nila ‘yung mga social distancing. Now, I don't think na meron namang violation ito,” agad na depensa ni Gamboa sa isang virtual press conference.

Gayunman, sinabi ni Gamboa na hindi exempted ang mga matataas na opisyal ng PNP sa lockdown protocols.

“Alam naman natin napakahirap nu’ng trabaho niya sa NCRPO but nevertheless it is not an excuse for him not to follow simple health protocols,” dagdag pa ng PNP Chief.

Kamakailan lang ay sumailalim sa tatlong araw na lockdown ang Camp Karingal sa Quezon City matapos na magpositibo sa Coronavirus Disease 2019 ang 14 na miyembro ng Quezon City Police District (QCPD).

Samantala, ayon kay Sen. Francis Pangilinan, malinaw na lumabag sa mga batas ang nagsidalo sa nasabing party at dapat na panagutin.

"Kung seryoso sila sa pagpapatupad ng batas sa lahat, dapat sampahan ng kasong paglabag sa batas ang mga 'yan at ikulong kasama ang libu-libo na kinulong nila dahil sa quarantine violations," ani Pangilinan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page