top of page
Search
Ronalyn Seminiano Reonico

Kaya ipinasara... Angel, aminadong may mga sablay din ang ABS-CBN, network pinagsabihan


Ronalyn Seminiano / Showbiz Trends

Trending si Angel Locsin sa social media dahil sa mga pahayag na naman niya tungkol sa pagpapasara sa ABS-CBN through video na ipinost niya sa kanyang Instagram account.

Sey ni Angel, “Okay po ako dahil sa suporta po ninyo. Hindi man ako kasingyaman ng mga kasabayan ko, pero okay ho ako. Hindi rin po ako magsasalita tungkol sa serbisyong ibinibigay ng ABS-CBN dahil kusang loob po nilang ibinibigay ‘yun.

“Ang sa akin lang po, kung maipapangako po na ‘yung mga mawawalan po ng trabaho sa gitna ng pandemya na magkakaroon po sila ng trabaho na may parehong suweldo, na may parehong benepisyo dahil ilang taon po ang ibinigay nila ru’n para maabot nila ‘yung estadong ‘yun, kung meron po, tatahimik po ako, wala po kayong maririnig sa akin. Pero alam ko ho na hindi ho puwedeng mangyari ‘yun, na hindi mangyayari ‘yun dahil marami pa ho ang walang trabaho ngayon.

"Lilinawin ko lang po na hindi po ito laban against our government and I wish our president the best dahil hindi po natin malalagpasan ang pandemya na ‘to kung wala po siya. Naniniwala po ako na dapat po sa panahon ngayon lalo ay magkaisa po tayo at magtulungan. Hindi po ito laban against our government, lilinawin ko lang po ulit. Ang inilalaban ko po rito ay ang mabigyan po ng extension ang prangkisa ng ABS-CBN kagaya po ng pagbigay din po ng extension sa ibang kumpanya na nag-expire po ang kanilang prangkisa pero nag-extend po para po dinggin ng Kongreso ang kanilang mga kaso. ‘Yun lamang po.

"Inilalaban ko lang po kung ano ang tingin ko pong patas, kung ano’ng… pantay-pantay dahil naniniwala rin po ako riyan. Naniniwala rin po ako na sana po ay mabigyan po ng araw sa Congress ang ABS-CBN para maharap po nila ‘yung mga paratang sa kanila para mabigyan po sila ng chance, ng chance po para sa tamang paglilitis na tama lang naman po.

“Mga ma’am at sir, we are not asking for VIP treatment, hindi po ‘yun. We are asking for a fair chance na ‘yun naman po ang gusto ng Kongreso, na ‘yun naman po ang gusto ng Senado na tamang oras para sa tamang paglilitis.

“Ngayon naman ho, kung sakali pong mapatunayan na meron pong pagkakasala ang ABS-CBN, tama po kayo, ang batas ay batas na dapat pong sundin. Kung meron pong pagkakamali, ayusin, kung sino man ang nagkasala, parusahan. Pero ayusin po natin ang mali.

“Naniniwala ako na ang lahat ho ng kumpanya ay meron pong pagkukulang at meron pa po (chance) para i-improve, naniniwala po ako riyan. Pabor po ako riyan dahil pabor po ‘yan sa tao.

“Lahat po tayo minsan, may reklamo na tayo sa mga boss natin, eh, lahat po tayo. Mapa-government man ‘yan, mapa-private, maliit na kumpanya o malaki, lahat po tayo, may reklamo po pero hindi po ang pagpapasara (ang solusyon) at pagdagdag pa po sa mga listahan na napakalaki na wala na pong trabaho ngayon, lalo na po sa gitna ng krisis.

“Alam n’yo po, ako po, naniniwala rin po ako sa second chance. Lahat po tayo deserve po natin ‘yung magkaroon ng second chance para maayos po natin ‘yung mga bagay-bagay. Second chance to fix things."

Samantala, may mensahe rin si Angel sa radio anchor-columnist na si Jobert Sucaldito na may mga binitiwan ding pahayag laban sa ABS-CBN.

“And Kuya Jobert, mahal po kita. Alam ko po ‘yung mga naitulong n’yo po sa mapapangasawa ko, naging mabait po kayo sa akin, pero aminin po natin pareho na mali po ‘yung pagkakasabi ninyo na magpakamatay na lang po si Nadine (Lustre) sa ere. Mali ho kayo ru’n. Pero naniniwala po ako Sir na sa haba ng panahon na ibinigay n’yo po sa industriyang ito, deserve n’yo po ang second chance. Sir, tulungan ko po kayo riyan, kakampi n’yo po ako riyan."

At kaugnay ng mga pambabatikos sa ABS-CBN na marami raw dapat panagutan sa batas, ani Angel, “Sa ABS-CBN, kung mabibigyan po tayo ng second chance, ng pangalawang pagkakataon, itama ho natin ‘yung lahat ng pagkukulang natin. Pasalamatan po natin ‘yung mga tao, ‘yung mga tao na sumuporta sa laban. Mas bigyan po natin ng tamang alaga ‘yung mga nagtatrabaho sa ABS-CBN kasi sila po ‘yung sumuporta sa laban na ‘to. ‘Yung mga irregular na matagal nang nagtatrabaho sa ABS-CBN, iregular po natin, bigyan po natin ng tamang benepisyo, bigyan po natin ng magandang buhay ang mga tao. ‘Yung mga nangangailangan ng trabaho, tutal, alam na rin naman po natin ang pakiramdam ng walang trabaho, sana po, mabigyan natin ng trabaho."

Dagdag pa niya, “‘Yung mga empleyado na natanggal sa trabaho na matagal na palang lumalaban, alam n’yo kung meron man po silang pagkakasala, may pagkukulang sila nu’ng panahon na ‘yun, bakit po ‘di natin sila bigyan ng second chance? Lahat po tayo, nangangailangan po ng trabaho ngayon."

May binanggit din si Angel tungkol sa naging problema ng isang cameraman sa ABS-CBN na Journalie ang name.

Ayon sa aktres, "Si Kuya Journalie, Sir, nag-reach-out ako sa mga kaibigan kong cameramen kung baka puwedeng makausap ka. Sir, usap po tayo nang maayos, pakikinggan po kita. Baka po puwedeng maging tulay ako para maayos po ‘yung problema. Pakikinggan po kita, wala po akong pipigilan sa inyo kung magsasalita po kayo.

“Sa mga nawalan po ng trabaho ngayong panahon ngayon, humihingi po ako ng pasensiya at paumanhin sa inyo kung ngayon lang po kami nagsalita, ngayon lang kami humarap at kung wala po kami nu’ng mga panahon na kailangan ninyo ‘yung damay namin. Humihingi po ako ng pasensiya sa inyo. Ganito po pala ‘yung pakiramdam ng mawalan ng trabaho, I’m very sorry. Let’s heal as one."

Nanawagan din si Angel na sa panahon ngayon, ang dapat ay pagdadamayan at pagkakaisa.

“To Sol. Gen. (Jose) Calida, NTC, how do you expect us to heal as one kung kayo po mismo ang nagsusugat sa amin? Naniniwala po ako, Sir, na marami po kayong nagawang maganda para ho sa bayan natin. Naniniwala ho ako ru’n, pero Sir, kung itinuloy n’yo po itong desisyon na ‘to, kahit na ano pong degree ninyo, posisyon, achievements, hindi po 'yun ang matatandaan ng tao. Ang matatandaan po nila, you will go down in history bilang kayo po ang taong pumatay sa ABS-CBN at dumurog sa napakaraming tao sa gitna ng pandemya. ‘Yun ho ‘yung matatandaan namin Sir at huwag n’yo pong hayaang mangyari ‘yun."

Bago nagtapos ay nakiusap si Angel sa mga nasa gobyerno na pakinggan ang kanilang pagsusumamo na ibalik na sa pag-ere ang ABS-CBN.

“Nakikiusap po ako na magkaisa po tayo at magtulungan lalo na po sa panahon ng krisis. Please, magkaisa po tayo. ‘Yun lamang po.

“Ako po si Angel Locsin, Pilipino, volunteer, artista, isa rin po akong no work, no pay na nakikiisa po sa inyo.”

Ang tinutukoy ni Angel na naging pahayag ni Jobert Sucaldito ay nang mag-post si Nadine Lustre noong Disyembre 25 ng piktyur niya na nasa balcony at nakasuot ng bikini.

Ang caption ni Nadine sa naturang larawan ay “I can’t be who you want.”

Sabi ni Jobert dito, “There was even this showing off her butt wearing a G-string while she’s standing in a building. There was even this caption saying as if she wanted to jump. I hope she just jumped.”

Ito ang pinalagan ni Angel sa kanyang recent IG video statement.

♥♥♥

Samantala, ang tinutukoy naman ni Angel na cameraman ay ang nabalitang si Journalie Payonan na naglabas ng hinaing laban kay Coco Martin bilang dati rin siyang nakasama sa seryeng Ang Probinsyano.

Sa inilabas na video ni Journalie bilang sagot sa mga naging pahayag nina Kim Chiu at Coco Martin, nabanggit niya na idinemanda niya ang ABS-CBN noong 2002.

Aniya, “Unang-una, Sir, may karapatan akong magsalita dahil katulad sa akin, nu’ng panahon na idinemanda namin ang ABS, 1997 naging cameraman ako hanggang 2002, wala po kaming benepisyo, SSS, Pag-ibig, PhilHealth. So karamihan ng mga kasama ko na tumagal nang dekada at higit pa ay ganu’n din.”

Naikuwento rin niya na bago siya nagdemanda noong 2002 ay lumapit siya kina Noli de Castro at Ted Failon.

Aniya, “Sila po ‘yung mga, kumbaga, nagpaalam ako, nag-abiso ako na, ‘Sir, tulungan n’yo po ako kasi magpa-file po ako ng case kasi hindi pa po ako nare-regular.’"

Sinabihan daw siya ng mga nabanggit na ituloy ang demanda dahil karapatan naman niya ‘yun.

Patuloy niyang kuwento, “So, nagdemanda kami nu’ng 2002. Okay. Ongoing ‘yung case, hindi kami tinanggal sa kumpanya. Nanalo kami sa Court of Appeals, umabot nang hanggang 2010.

“Year 2010, du’n, inalok na kami ng kontrata na kumbaga, ‘pag hindi ka pumirma, out ka sa kumpanya, choice mo ‘yan, kung gusto mong manatili, sige.”

Aniya, ang gusto lang naman nila ay maging regular na empleyado. Ipinagdiinan din niya ang batas na after 6 months, dapat ay regular na ang isang employee kaya inilaban nila ‘yun.

Sabi ni Payonan, “2010, sapilitan kaming tinanggal. Ang kaso namin ay umakyat na ng Supreme Court dahil umapela sila. HINDI NILA KAMI SINETTLE. Hindi sila nakipag-usap.”

Buwelta niya kina Kim, Coco, atbp. artista, “Nu’ng panahon na ‘yan, alam ninyo na kami ay ILEGAL NA TINANGGAL. Asan kayo? Nasaan kayo? Ganundin ang panawagan ko sa mga director diyan, at sa mga kapwa ko manggagawa diyan, nasaan kayo, ‘di ba?

“Unang-una, walang social media nu’ng panahon na ‘yan, walang senador na pumoprotekta sa amin kundi ang baon lang naming PASENSIYA. For 18 years, ngayon lang napag-usapan ‘yung kaso na ‘yun. Kaya kalokohan ang sinasabi ninyong pinapatay ang press freedom DAHIL KAYO ANG PUMAPATAY NG PRESS FREEDOM.

“‘Yung kaso ko, ng grupo ko, 18 years natulog ‘yan, HINDI GUMAWA NG INGAY,” himutok pa ng cameraman ng ABS-CBN.

Well, ngayong nahalungkat na ang mga isyung 'yan, sana nga ay magkaroon na ng solusyon at maging maayos ang sitwasyon para sa kapakanan ng nakararami.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page