Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya ginawang Disyembre ang pagbubukas ng klase dahil tiyak umano na papalakpak sa tuwa ang mga estudyante.
Bukod nito, posibleng gamitin din umano ito ng kanyang mga kritiko laban sa kanya na hindi nito kaya ang krisis sa COVID-19.
"Kayong mga estudyante makinig kayo. Kung sabihin ko sa inyo na hanggang Disyembre walang klase anong gawain ninyo ngayon? Sige. Talon pati palakpak. P***. Biro mo hanggang Disyembre walang klase. Eh p*** tapos sabihin naman ng mga tao, ‘G*** itong Duterte na ito hindi niya kaya ‘yung COVID. Umalis ka na diyan," sabi ni Pangulong Duterte sa kanyang public address.
Una nang inaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang rekomendasyong iurong ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24 dahil sa coronavirus pandemic.
Habang maaari naman magbukas ang mga private schools ng mas maaga sa Agosto pero ang gagamitin ay iba't ibang learning system.
Kaugnay nito, kanselado naman ang mga extra-curricular activities gaya ng sports, campus journalism, at job-fair events na kinakailangan ng pagsasama-sama ng mga mag-aaral.
Una nang inihayag ni Education Secretary Leonor Briones na magpapatupad ang kagawaran ng iba't ibang approach sa pagtuturo sa mga estudyante sa pamamagitan ng computer, cellphones, paggamit ng media at radyo.