Asahan na umano ang paglakas pa ng Bagyong Ambo sa loob ng 24 oras habang halos hindi ito gumagalaw sa bahagi ng Mindanao.
Sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong alas-11:00 ng umaga, maaaring maging ganap na bagyo ang Tropical Depression Ambo at posibleng maitaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa
Silangang Visayas sa mga susunod na oras.
Sinabi pa ng PAGASA na asahan na ang malakas na hangin na dulot ng Bagyong Ambo na kauna-unahan ngayong taon.
Ibinabala pa ng weather bureau ang mga flashflood at landslide sa panahon na bubuhos ang malakas na pag-ulan.
“Flooding and rain-induced landslides may occur in highly to very highly susceptible areas during heavy or prolonged rainfall,” ayon sa PAGASA.
“Moderate to rough seas will be experienced over the eastern seaboards of Eastern Visayas and Caraga. Fisherfolks and those with small seacrafts are advised not venture out on these areas,” dagdag pa nito.
Alas-10:00 ng umaga nang huling mamataan ang Bagyong Ambo sa layong 385 kilometro ng Surigao City, Surigao del Norte.
Taglay nito ang lakas ng hangin na hanggang 55 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras.
Tinataya ng PAGASA na sa kalupaan ng Bicol Region tatama o magla-landfall ang bagyo.