Bagama’t sarado ang simbahan sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), may mga mananampalataya pa rin ang nagtitiyagang makinig ng misa sa labas nito.
Halos dalawang buwan na mula nang ipinasara ang mga simbahan sapagkat ipinagbabawal sa ilalim ng ECQ ang malakihang pagtitipon ng mga tao na karaniwang nangyayari kapag may misa.
Gayunman, kabilang din umano sa pangunahing serbisyo ang mga religious service kaya patuloy ang mga panawagan na payagan na magbukas ang mga simbahan kasunod ng pagtalima nito sa mga guidelines.
Kaugnay nito ay may inilatag nang health protocols sa Archdiocese of Manila sakaling pahintulutan na ang mga religious gatherings.
Inihayag ni Manila Archdiocese Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na babawasan ng kalahati ang kapasidad ng mga simbahan pero magkakaroon ng mas maraming misa.
Aniya, kailangang nakasuot ng face mask ang mga dadalo sa misa, maglalagay din ng mga hand sanitizer sa harapan at loob ng mga simbahan, mahigit ding ipatutupad ang social distancing at patuloy ang pagpo-post online ng mga misa para sa mga may edad na bawal lumabas.
Samantala, lilimitahan naman ang mga dadalo sa mga church event tulad ng kasal, binyag at iba pa.
Matatandaang inanunsiyo ng Malacañang bago ang unang araw ng Mayo na papayagan na ang mga religious activities sa ilalim ng GCQ, ngunit agad itong binawi matapos umapela ang mga local officials sa pangambang mas kumalat ang virus kapag pinayagang magtipun-tipon ang mga tao.
Hindi maitatangging marami ang nangangamba at nawawalan ng pag-asa sa panahon ngayon kaya mahalaga ang pagkakaroon ng psychological at spiritual resilience, pero kailangan pa ring maging maingat sa pagpapasya at iprayoridad palagi ang kaligtasan ng mga mananampalataya.
Ngayon, sakaling pagbigyan ang apela ng Simbahan, sana'y tiyaking maipatutupad ang mga panuntunan at susundin naman ng publiko.