top of page
Search
Ryan B. Sison

Pandisplay at wa’ ‘wentang opisyal ng gobyerno, walang lugar sa serbisyo-publiko


Boses ni Ryan B. Sison

Inihihirit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na itaas na kuwalipikasyon sa mga opisyal ng barangay.

Ito ay dahil ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, ang mga lokal ng pamahalaan ng barangay ang nagsasagawa ng tatlong pangunahing trabaho ng pamahalaan na executive, legislative at judicial.

Bukod sa pagtataas ng kuwalipikasyon, kailangan din umanong maging propesyunal ng barangay governance setup. Gayundin, binigyang-diin ni Malaya na kailangang maging propesyunal ng barangay, lalo na kung may kalamidad.

Samantala, ayon kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, nakatanggap ng 3,000 reklamo ang kanyang opisina hinggil sa distribusyon ng emergency cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Dahil dito, isinisisi ng DILG ang mabagal na proseso ng pamimigay ng ayuda sa mga kapabayaan ng barangay officials.

Sa totoo lang, bukod sa usaping kalusugan ngayong may kinahaharap tayong pandemya, magandang pagkakataon din ito para makilala ang mga totoong lingkod-bayan at nagpapanggap lang. Kunsabagay, ‘yung iba riyan, talagang walang plano sa nasasakupan, kumbaga, pandisplay lang.

Gayunman, pabor ang taumbayan sa suhestiyon ng DILG dahil anila, ang tunay na lider ay mabuting ehemplo, may alam sa batas at may malasakit sa nasasakupan.

Pakiusap sa mga kinauukulan, ‘wag magbulag-bulagan dahil nakita na natin kung sino ang mga may “K” sa puwesto at dapat pagkatiwalaan.

Hindi naman siguro masama na maghangad ng lider na totoong maasahan sa anumang pinagdaraaanan, hindi ‘yung nariyan lang kapag may magagarbong okasyon.

Doon tayo sa nagbibigay ng serbisyong totoo.

‘Ika nga, ang lider na may magandang pamumuno ay may kakayanang magbigay ng de-kalidad na serbisyo-publiko.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page