Dear Doc. Shane,
Ako ay 27 years old at isang kasambahay. Mayroon akong kinakasama at 2 years na kami pero hindi pa rin kami nagkakaanak. Sa tuwing nagkakaroon ako ng menstruation ay napakasakit ng aking puson hanggang sa balakang ay kumikirot. May kaugnayan ba ito sa hindi ko pagkakaroon ng anak? Ano ang dapat kong gawin? – Gilda
Sagot
Ang nararamdaman mo na sobrang pananakit ng puson tuwing ikaw ay nagkakaregla ay maaaring sintomas ng endometriosis o polycystic ovary syndrome (PCOS).
Ang endometriosis ay isang uri ng sakit kung saan hindi lumalabas lahat ng regla at sa halip ay naiipon sa loob ng katawan. Ito ay nagdudulot ng pamamaga sa tuwing magkakaroon ng buwanang dalaw at sa kalaunan ay posibleng mauwi sa pagkakaroon ng bukol.
Ayon sa mga eksperto, ito ay maaaring maging sanhi ng infertility o hindi pagkakaroon ng anak.
Isa sa mga sintomas nito ay ang masakit na pagreregla at wala pang lunas ang naturang sakit kaya upang hindi ito lumala, dapat magpatingin agad sa doktor lalo na kung madalas na sumasakit ang puson kapag nagreregla.
Isa pang problema ng kababaihan na hindi rin masyadong pinapansin ay ang PCOS.
Ayon sa mga OB Gyne, hindi madaling malaman kung PCOS ang sakit dahil magkakaiba ang sintomas nito, tulad ng pagkakaroon ng irregular o hindi buwanang regla, pagkakaroon ng taghiyawat at pagtubo ng buhok sa mga parte ng katawan tulad ng manipis na bigote.
Kaya mainam na magpatingin agad sa espesyalista kung hindi regular ang regla nang sa gayun ay hindi na lumala kung mayroon mang PCOS.
Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng endometriosis at PCOS ang babae.
Maiiwasan ang pagkakaroon ng ganitong mga sakit kung tama ang diet at lifestyle.