top of page
Search
Madel Moratillo​

Mga residente sa Montalban, Rizal pumalag sa pahirapang pagkuha ng SAP cash assistance


Trending ngayon sa social media ang napakahabang pila ng mga taga-barangay San Isidro sa Montalban, Rizal na naghihintay mabigyan ng ayuda mula sa Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development.

Reklamo ng mga residente, pinahirapan na sila sa pila para makakuha ng mga Social Amelioration Card form ay mas lalong pahirapan sa pagkuha ng ayuda.

Ayon kay Shanaira Nicole Datahan Rafal, isa sa mga nagrereklamong residente, alas-5:00 palang ng madaling-araw kahapon ay nakapila na sila sa labas ng barangay hall ng San Isidro pero inabot ng alas-10:00 ng gabi bago sila nakakuha ng SAC Form.

Kaninang alas-4:00 naman aniya ng madaling-araw nag-post ang barangay na mamimigay na ng ayuda o SAP ngayong araw.

Batay aniya sa abiso, 8:00 ng umaga ang simula ng SAP distribution kaya naman alas-5:00 palang ng madaling-araw ay pumila na aniya sila agad.

Gayunman, ayon kay Shanaira, alas-2:00 na ng hapon nang magsimulang mamahagi ng SAP sa mga tao at pagdating ng alas-4:00 ng hapon ay inanunsiyo na cutoff na sa pamimigay ng ayuda. Pangako aniya sa kanila bukas ay muling magsisimula ng pamamahagi ng cash aid.

Pero maging pagkuha ng numero para bukas ay pahirapan din aniya dahil hanggang ngayon ay marami pa ang hindi nabibigyan ng numero.

Batay sa mga video post ni Shanaira sa kanyang social media account ay makikita ang napakahabang pila ng mga tao, halos magkadikit-dikit na rin ang mga tao at hindi na nasusunod ang social distancing.

Tiniis ng mga residente ang init ng araw at ang ulan pero wala umanong kahit sino ang lumalabas sa kanila para magpaliwanag ng sitwasyon.

Sa isa sa mga video post ni Shanaira makikita na maraming tao sa labas ng health center ng south ville 8B na umaasang mabibigyan ng numero subalit, ang problema aniya ay wala na silang makitang tao sa loob.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page