Binibigyan ng House Committee on Legislative Franchises ng 72 oras ang National Telecommunications Commission (NTC) para magpaliwanag kung bakit hindi dapat ma-contempt kaugnay ng paglalabas nito ng cease and desist order laban sa ABS-CBN Corporation.
Sa dalawang pahinang show cause order na pirmado ni Committee Chairman Rep. Franz Alvarez, nais nitong pagpaliwanagin si NTC Commissioner Gamaliel Cordoba gayundin sina Deputy Commissioners Edgardo Cabarios at Delilah Deles at ang kanilang legal office head.
May petsang Mayo 5 ang order ngunit, ayon sa tanggapan ni House Speaker Alan Peter Cayetano, ngayong tanghali lamang ito naipadala sa NTC sa pamamagitan ng email.
Ipinunto sa order na sa isang public hearing ng komite noong Marso 10 ay nagbigay ng pagtiyak ang NTC na mabibigyan ng provisional authority ang ABS-CBN upang makapagpatuloy ng operasyon kahit mapaso ang prangkisa habang nakabinbin ang proseso ng renewal nito sa Kongreso.
Ayon pa sa order, ang cease and desist order ng NTC ay kontra sa opinyon ng Department of Justice at sa direktiba ng Kamara at Senado.
Taliwas din umano ito sa mga precedent o practice na napagbigyan ang patuloy na operasyon ng broadcast network na expired ang legislative franchise ngunit may pending application sa Kongreso.
Ang ginawa umano ng NTC na pagpapalabas ng cease and desist order ay malinaw na panghihimasok at hindi pagsunod sa kapangyarihan ng House of Representatives.