Erlinda Rapadas / Teka Nga
Nasaktan at nalungkot man sa pagsasara ng ABS-CBN, hindi naman kasing-init ng pagpoprotesta ni Coco Martin ang nakita sa comedian-TV host na si Vice Ganda. Kalmado siya at hindi palaban.
Halatang ingat na ingat sa kanyang mga komento. Todo-iwas din sa mga bashers na umuupak sa kanya dahil sa ginawa niyang paghahamon noon kay Pastor Apollo Quiboloy na subukang patigilin ang serye ni Coco na Ang Probinsyano.
Tandang-tanda ng publiko ang naging sagot noon ni Quiboloy na hindi lang ang show ni Coco ang titigil kundi pati ang ABS-CBN Network ay magsasara.
Nauna rito, natigil na rin ang Gandang Gabi Vice show na napapanood tuwing Linggo ng gabi. Papalitan daw ito ng isang musical show pero hanggang sa inabot na ng COVID pandemic ay hindi pa nasimulan.
Wake-up call kay Vice Ganda ang nangyari kaya hinay-hinay na siya ngayon sa pagsasalita dahil ayaw niyang bumalik sa kanya ang sisi.
Kahit papaano, medyo nabawasan ang yabang at angas ni Vice.
***
WINWYN, TUMABA SA ECQ
Kakaibang experience para sa Kapuso actress/beauty queen na si Winwyn Marquez ang pagdiriwang ng kanyang 29th birthday last May 4, 2020. Hindi raw ito ang pinlano niyang birthday celebration na inabot ng enhanced community quarantine (ECQ) kaya sa bahay na lang siya nagdiwang kasama ang mga mahal sa buhay.
Labis na ikinabahala ni Winwyn ang sinapit ng maraming COVID-19 patient kaya naman wala siyang ibang birthday wish kundi ang manatiling safe sa virus ang lahat at tuluyan nang magwakas ang pandemic.
Kahit papaano, sumaya ang kaarawan ni Winwyn dahil nagpaabot ng pagbati ang kanyang pamilya, mga kaibigan at pati ang mga Kapuso stars na sina Rodjun Cruz, Rochelle Pangilinan, Pancho Magno, atbp..
Samantala, marami naman ang nakapansin na medyo bumibilog at nadagdagan ang timbang ngayon ni Winwyn. Dati-rati ay skinny at payatola ang tawag sa kanya dahil super slim ang kanyang pangangatawan.
Natawa na lang si Winwyn sa mga comments ng ilang netizens na medyo chubby siya ngayon.
Napatanong tuloy ang dalaga ni Alma Moreno kung ano ba talaga ang gusto sa kanya ng publiko — maging skinny o chubby?
***
RHIAN, NATUTONG MAG-BAKE NGAYONG LOCKDOWN
May magandang naidulot kay Rhian Ramos ang pamamalagi niya sa bahay sa panahon ng ECQ.
Bukod sa natuto siya ng mga gawaing bahay ay nahilig din siya sa pagbe-bake at pagluluto.
Una niyang sinubukan ang brownies recipe. Sinunod naman niya ang ramen egg o "ajitsuke tamago" kung saan kinunan pa niya ng video ang step-by-step na pagluluto nito.
Nalilibang si Rhian sa paggawa ng vlogs at ang subject na ginagamit niya ay ang pagluluto ng iba't ibang recipes.
At least, 'pag na-lift na ang lockdown at balik na siya sa kanyang showbiz career, may maaalala siyang magandang experiences.
***
Nang magkasama sa comedy-seryeng Anak ni Waray vs. Anak ni Biday sina Barbie Forteza at Kate Valdez, naging close sila nang husto at maraming bagay silang napagkasunduan. Happy si Kate para kay Barbie na nakatagpo ng "true love" sa katauhan ni Jak Roberto na isa ring Kapuso artist.
Tuwang-tuwa siya nang malamang tinuturuan ni Jak magluto ng beef salpicao si Barbie. Marunong magluto si Jak at isine-share niya ito sa GF niya. At dahil sa COVID pandemic, stay at home muna ang aktres kaya na-miss nang husto ang co-star niyang si Kate, ang anak ni Biday na ginagampanan ni Dina Bonnevie sa serye.
Iba naman ang kinahiligang libangan ni Kate nang siya ay naka-lockdown. Mga TikTok Challenge ang kanyang pinagkakaabalahan at millions na ang kanyang mga followers. Kaya naman kahit papaano ay kumikita siya sa kanyang pagti-TikTok.
Challenge nga para sa lahat ang pagti-TikTok dahil sa kani-kanyang diskarte o ideya ang dapat gawin upang maging kakaiba ito at magustuhan ng marami.
Na-miss man ni Kate ang pag-arte sa serye nila ni Barbie, naipakita naman niya ang talent niya sa pagti-TikTok!
***
KAPAMILYA STARS, MAS KAKAMPIHAN SA LABAN SA ABS-CBN KUNG MANANAHIMIK LANG
Sinasaluduhan namin ang ilang Kapamilya stars na naging kalmado at mahinahon nang maganap ang biglaang pagsasara ng ABS-CBN.
Bagama't apektado ang kanilang career sa nangyari at nawalan ng mga shows, hindi nila pinairal ang galit at init ng ulo, bagkus patuloy silang nagdasal at umasang magkakaroon ng solusyon at makakapag-renew ng franchise ang ABS-CBN at magiging legal ang muling pagbabalik sa ere ng kanilang network.
Ganito dapat ang maging outlook at attitude ng mga Kapamilya artists. I-claim na lang nila at ipagdasal na muling makabalik ang Dos at magpatuloy sa pagbibigay ng magagandang shows sa mga viewers.
Hindi mareresolba ng galit ang anumang problema. Hanapan ng solusyon kung anuman ang pagkukulang o pagkakamali ng network.
Mas makakabuti ang mahinahong pakikipag-dialogue sa mga authorities. Mas makakakuha sila ng simpatya mula sa publiko kung tahimik nilang ipaglalaban ang kanilang karapatan bilang bahagi ng TV industry.