top of page
Search
Ryan B. Sison

Totoong lingkod-bayan at nangungupit sa bayan, dapat pangalanan


Boses ni Ryan B. Sison

Ilang araw bago ang matapos ang deadline na itinakda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa Local Government Units (LGUs) hinggil sa distribusyon ng cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP), doble-kayod ang mga lokal na pamahalaan para masiguradong lahat ay nabigyan.

Unang itinakda sa Abril 30 deadline, ngunit dahil hindi kinaya ng LGUs at marami pang hindi nakatanggap ng ayuda, pinalawig ito hanggang Mayo 7.

Gayunman, muling nagpasya si DILG Sec. Eduardo Año na palawigin hanggang Mayo 10 ang deadline dahil na rin sa hamon na kinakaharap ng LGUs sa mga lugar na maraming residente tulad ng NCR, Cavite, Rizal, Laguna, Bulacan, Cebu at Davao City.

Matapos ang dalawang beses na pagpapalawig, nilinaw mng DILG na hindi na palalawigin pa ang deadline ng pamamahagi ng cash subsidy ngayong araw.

Kasabay nito, nagbanta si Año na pagpapaliwanagin ang LGUs na bigong umabot sa deadline.

Sa ilang araw na extension ng pamimigay ng ayuda, kitang-kita natin ang pagsisikap ng mga lokal na pamahalaan para masiguradong matatanggap ng benipisaryo ang ayuda.

Tuloy ang pamimigay ng tulong, umulan man o umaraw at kahit abutin pa ng hatinggabi.

Gayunman, habang nakikita natin ang pag-usad ng distribusyon ng ayuda, mayroon pa rin talagang dedma at tila walang paki sa mga nasasakupan.

Sa kabila ng ilang araw na pagpapalawig, may mga ulat pa rin ng diumano’y iregularidad sa distribusyon – may mga namimili ng makatatanggap, bumabawi sa ayuda at meron ding tila ayaw ilabas ang pondo.

Dahil dito, maraming pamilya pa rin ang patuloy na kumakalam ang sikmura dahil wala namang ibang inaasahan kundi ang tulong ng gobyerno.

Gayunman, kung mapatutunayang nagpabaya ang lokal na pamahalaan, dapat lang na sila ay masampolan.

Mabuti nang magkaalaman kung sino ang mga totoong lingkod-bayan o mga nasa posisyon lang dahil pinag-iinteresan ang kaban ng bayan.

Tutal, karapat-dapat namang malaman ng publiko kung sino ang tunay na maaasahan at mapagkakatiwalaan, ‘wag na natin silang pagtakpan.

Binigyan kayo ng pagkakataong gawin nang tama ang trabaho ninyo, pero binalewala ninyo kaya pasensiyahan na lang.

Magsilbi sana itong aral at babala sa mga opisyal na malaking responsibilidad ang hawak ninyo, gayundin, kailangan ninyo itong gampanan sa lahat ng pagkakataon at hindi kung kailan niyo lang gusto.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page