Pinaalalahanan ang mga concerned government agencies na tulungan ang mga stranded na manggagawa sa Metro Manila upang ligtas na makauwi sa kanilang mga lalawigan.
Ito ay sa sandaling alisin na ang travel restrictions at maiayos na ang mga protocols para maiwasan ang higit pang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Sen. Christopher 'Bong' Go, habang inihahanda ang pag-implementa ng Balik Probinsya Program ay unahin na munang tulungan ang mga na-stranded dito sa Maynila tulad ng pagbibigay ng pagkain at transportasyon pabalik sa kani-kanilang probinsya.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang mambabatas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa probisyon ng transportation assistance at transitory packages para sa stranded workers.
Tiniyak naman ng Department of Transportation (DOTr) ang ligtas na biyahe ng mga ito pabalik ng kanilang mga lalawigan.
Para naman sa mga nawalan ng trabaho, hinikayat ang Department of Labor and Employment (DOLE) at mga Local Government Units (LGUs) na asistehan ang mga apektadong manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng cash for work programs at iba pang livelihood assistance na kinakailangan sa sandaling makauwi na sila.
Binigyang-diin din ang pangangailangan ng proper health protocols upang masigurong hindi makapag-uuwi ng virus sa kanilang mga probinsiya ang mga manggagawa.