Dear Doc. Shane,
Palagi akong binabalisawsaw kaya madalas ay putul-putol ang pagtulog ko sa gabi dahil maya’t maya akong nasa toilet. Nagkaroon ako ng UTI pero dahil niresetahan naman ako ng antibiotic. Nawala ito pero ngayon ay tila bumabalik na naman. Nagbabalik-balik ba talaga ito kahit natapos ko naman ang pag-inom ng antibiotic? – Amanda
Sagot
Ang balisawsaw ay lokal na salita na tumutukoy sa maya’t maya at mahirap na pag-ihi. Subalit ang medikal na kondisyong ito ay tinatawag na dysuria.
Ano ang sanhi ng nito?
Ang urinary tract infection o UTI ang isa sa mga pangunahing sanhi ng balisawsaw o hirap sa pag-ihi. Ang impeksiyong ito ay maaaring nasa alinman sa mga bahagi ng urinary tract tulad ng:
Kidney - bato
Ureter - mga tubo na daanan ng ihi mula sa bato hanggang sa pantog
Bladder - pantog
Urethra - tubo na daanan ng ihi mula sa patog palabas ng katawan
Ano ang mga sintomas nito?
Lagnat
Mabaho o matapang na amoy ng ihi
Malabo o ihi na may kasamang dugo
Mas madalas na pag-ihi o pakiramdam ng masidhing kagustuhan na umihi
Ano ang gamot sa balisawsaw?
Matapos dumaan sa masusing pisikal na pagsusuri, ang iyong doktor ay maaaring humiling ng ilang serye ng pagsusuri sa laboratoryo para matukoy ang sanhi nito. Pagkatapos malaman ang sanhi, maaari nang makapagsimula ng gamutan.
Tandaan, ang balisawsaw ay maaaring sintomas ng seryosong sakit na kung papabayaan, maaaring magdulot ng mga komplikasyon. Mainam na magpakonsulta sa doktor kung hindi na maganda ang nararamdaman.
Paano ito maiiwasan?
Sikaping magkaroon ng sapat na pahinga
Uminom ng maraming tubig araw-araw
Iwasan ang pagkonsumo sa maaalat na pagkain
Uminom ng buko juice