top of page
Search
Shane Ludovice

Iba’t ibang sanhi ng pagkakaroon ng dugo sa ihi

Dear Doc. Shane,

Napansin ko na tila may bahid ng dugo ang aking ihi. Ako ay 57 years old na kaya nag-aalala ako na baka sintomas ito ng sakit. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito? – Ismael

Sagot

Ang pagkakaroon ng dugo sa ihi ay tinatawag na hematuria. Nagkakaroon ang tao ng ganitong kondisyon dahil sa iba’t ibang uri ng sakit sa urinary tract tulad ng sakit sa kidney, sa pantog, sa urethra at iba pa.

Ang mga palatandaan ng hematuria ay ang pag-iiba ng kulay ng ihi at ang pagkakaroon ng hindi pangkaraniwang amoy nito. Nilulunasan ang hematuria sa pamamagitan ng antibiotic kung ito ay sanhi ng impeksiyon. Samantala, kung ito ay dulot ng injury, maaaring mangailangan ng mga mas komplikadong lunas.

Mga uri

  • Microscopic hematuria. Ang dugo sa ihi ay hindi mapapansin sa pamamagitan lamang ng mga mata. Bagkus, ito ay makikita sa pamamagitan ng microscope. Ito ay tinatawag din na “idiopathic hematuria” sapagkat hindi tiyak ang mga sanhi nito.

  • Gross hematuria. Ito ay tinatawag ding macroscopic o frank hematuria. Ito ay ang nakikitang pagbabago sa kulay ng ihi dulot ng pagkakaroon ng mataas na antas ng dugo na humalo rito. Sa kondisyong ito, karaniwang kulay pula, pink o kayumanggi ang ihi. May mga ilang pasyente rin na may gross hematuria ay nagkakaroon ng maliliit o katamtamang laki ng mga kumpol ng dugo sa ihi.

  • Joggers’ hematuria. Batay sa katawagan ng kondisyong ito, ito ay karaniwang tumatama sa mga taong aktibo sa pagtakbo. Ang pagtakbo nang malayo, maging ang mga mabibigat na mga gawain ay maaaring magdulot ng problema sa pantog na maaaring mauwi sa pagdurugo nito.

May iba pang uri ng hematuria batay sa sanhi ng kondisyon tulad ng mga sumusunod:

  • Hematuria na dulot ng bato sa kidney

  • Hematuria na dulot ng trauma o injury sa balakang

  • Hematuria na dulot ng sakit sa kidney

  • Hematuria na dulot ng iba’t ibang uri ng urinary infection

  • Hematuria na dulot ng iba’t ibang urinary, renal o rectal procedure

  • Benign hematuria

  • Malignant hematuria

Marami ang mga kondisyon na maaaring magdulot ng hematuria tulad ng mga sumusunod:

  • Namamanang kondisyon. Mayroong mga uri ng namamanang kondisyon na nagdudulot ng pagdurugo sa urinary tract. Ang isa sa mga ito ay ang sickle cell anemia, isang uri ng namamanang kondisyon ng mga hemoglobin sa red blood cell. Ito ay nagdadala ng dugo sa ihi. Ganito rin ang epekto ng Alport syndrome, isang uri naman ng kondisyon na umaapekto sa mga bahaging pangsala ng mga kidney.

  • Urinary tract infections (UTI). Ito ay ang pagkakaroon ng impeksiyon sa daanan ng ihi. Ito ay karaniwang nakaaapekto sa kababaihan. Kapag lumubha ang mga impeksiyong ito, maaaring magkaroon ng pag-agos ng mga red blood cell sa urinary tract at humalo sa ihi.

  • Pagkakaroon ng bato sa pantog o kidney. Ang pagkakaroon ng sobrang daming mineral sa mga pantog o kidney ay maaaring magdulot ng pamumuo ng mga bato sa mga bahaging ito ng katawan. Lubhang masakit ang kondisyong ito. Kapag hindi naagapan ay nagdudulot din ito ng pagkakaroon ng dugo sa ihi.

  • Impeksyon sa mga kidney. Ito ay maaari ring magdulot ng pagdurugo sa mga bahaging ito ng katawan. Dahil dito, ang mga red blood cell sa mga apektadong bahagi ay maaaring lumabas sa mga daluyan ng ihi.

  • Kanser. Ang pantog, prostate, bayag at maging ang mga kindey ay maaaring magkaroon ng kanser. Ito ay nagdudulot ng pagdurugo sa mga nabanggit na mga bahagi at ang dugo mula sa mga bahaging ito ay maaaring dumaloy papunta sa daanan ng ihi at humalo rito.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page