top of page
Search
Lolet Abania​

Nangangamoy at naaagnas na mga bangkay, natagpuan sa U-Haul truck ng punerarya sa Brooklyn

BROOKLYN, N.Y. — Masangsang na amoy na nanggagaling sa mga trak, kung saan naka-park sa labas ng isang funeral home sa Utica Avenue ng lugar na ito, ang nagbigay ng atensiyon sa mga residente upang i-report sa pulisya.

Photo: The Chronicle

Nang dumating ang awtoridad, sumambulat sa kanilang harapan ang kalunus-lunos na kaganapan.

Sa loob ng trak – isang U-Haul rental na matatawag ding tractor-trailer – naglalaman ng dose-dosenang nabubulok na katawan ng mga patay.

Agad na ini-report sa New York State Department of Health, nangangasiwa sa mga funeral homes, at pinuntahan ang lugar upang alamin kung ang naturang funeral home ay nagsasagawa ng tamang pagsasaayos sa mga labi, gayundin, nag-isyu ang ahensiya ng dalawang summon dahil sa insidente, ayon sa isang law enforcement official na nag-iimbestiga.

Labis na ikinabahala ng mamamayan ng Brooklyn ang natagpuang mga bangkay na naaagnas na mula sa mga trak na nakaparada. Sa naitalang datos, mahigit sa 17,000 katao sa New York City ang namatay na dahil sa covid-19.

Inilarawan ni Mayor Bill de Blasio ang nadiskubreng mga labi na isang “horrible situation that was absolutely unacceptable.”

“They have an obligation to the people they serve to treat them with dignity,” sabi ni Mayor Blasio sa naturang punerarya. “I have no idea in the world how any funeral home could let this happen.”

Sa salaysay ni Eric L. Adams, Brooklyn borough president, dumating siya sa Andrew T. Cleckley Funeral Home ng 5:15 ng hapon noong Miyerkules, at dinatnan niya ang mga pulis at imbestigador na sinelyuhan na ang lugar katulad ng isang crime scene at sinusuri ang tractor-trailer at ang U-Haul.

“It appears the truck was full,” sabi ni Adams. “They were trying to use U-Haul as a backup.” Dagdag pa ni Adams, “This is traumatizing to family members.”

Samantala, ayon kay Howard Zucker, state health commissioner, wala namang natatanggap na reklamo ang Health Department laban sa punerarya nang nagdaang panahon. Aniya, nagsasagawa na ang ahensiya ng imbestigasyon sa kumpanyang ito, na maaaring pagmultahin at suspendihin ang lisensiya. Gayundin, tinitingnan ng Brooklyn district attorney’s office ang insidente, ayon sa spokesman na si Oren Yaniv.

Ayon sa may-ari ng punerarya na si Andrew T. Cleckley, katulad ng iba pang funeral director sa New York, hindi sila handa sa ganitong pangyayari kung saan bumabaha ng napakaraming namatay dahil sa pandemic. Ani Cleckley, ginamit nila ang mga trak para sa overflow storage, ito ay matapos na mapuno na ang buong chapel nila ng mahigit sa 100 bangkay.

“I ran out of space,” sabi ni Cleckley. “Bodies are coming out of our ears.”

Gayunman, hindi nilinaw ng State officials ang maaaring kaharaping kaso at parusa ni Cleckley kung ito ay civil o criminal penalties.

Gayundin, noon pang Abril dumagsa na ng tawag kay Cleckley, ang mga pamilya ng namatay upang humingi ng tulong na maisaayos ang labi ng mahal nila sa buhay. Tinanggap niya ito na hindi inaasahang ganito karami ang mga nasawi.

Ayon pa kay Cleckley, “We’re all trying to help our clients, but we’re jumped up.”

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page