Gaya ng ibang sports facilities na pag-aari ng gobyerno, ginawa na ring pansamantalang quarantine facility ang Philsports Arena sa Pasig City upang makatulong na matugunan ang pangangailangan ng matutuluyan nang dumarami pa ring bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 sa bansa.
Tapos na ang ginawang conversion ng multi-purpose arena na isinagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at sisimulan na itong gamitin sa linggong ito.
Nagsilbing tahanan para sa Philippine Basketball Association noong 1985 hanggang 1992, ang arena na dating kilala bilang ULTRA ay nagsilbi ring venue ng ilang malalaki at international volleyball tournaments, pinakahuli ang nakaraang volleyball competition ng 30th Southeast Asian Games.
Ang Philsports ang ikatlong government-owned sports venue na ginawang pansamantalang medical facility kasunod ng Ninoy Aquino Stadium at Rizal Memorial Coliseum sa Manila para sa kasalukuyang krisis na kinakaharap ng bansa.
Ang pasilidad na tinawag na "We Heal As One Center" ay may kapasidad na tumanggap ng kabuuang 132 mga pasyente.